Uri ng Pangngalan ayon sa Kaukulan
Sa araling ito, ating tatalakayin ang iba’t ibang kaukulan ng pangngalan.
Kaukulan ng Pangngalan
Ang kaukulan ng pangngalan ay tumutukoy sa kung paano ginamit ang pangngalan sa pangungusap. Ito ay nahahati sa tatlo: palagyo, palayon, at paari.
1. Palagyo
Ang pangngalan ay nasa kaukulang palagyo kung ito ay ginamit bilang simuno, pantawag, kaganapang pangsimuno, at pamuno sa pangungusap.
A. Simuno
Ang pangngalan ay ginamit bilang simuno kung ito mismo ang paksa o simuno ng pangungusap. Karaniwan itong ginagamitan ng mga pantukoy na ang/ang mga at si/sina.
Hal.
- Ang mga bata ay masayang nagkukuwentuhan.
- Tinapon ni Maria ang basura.
- Si Jose ay isang mabuting bata.
- Mabilis tumakbo sina Maria at Angela.
B. Pantawag
Ang pangngalan ay ginamit upang itawag sa pangalan ng kausap. Ito ay susundan ng kuwit kung ilalagay sa unahan ng pangungusap (Pangngalan, ); kuwit muna bago ang pangngalan kung ito ay nasa hulihan ng pangungusap (, Pangngalan).
Hal.
- Tadhana, bakit mo ako pinapahirapan?
- Lotlot, bumili ka muna ng isda sa palengke.
- Magandan umaga po, Gng. Maria.
- Mahal mo ba ako, Ernesto?
C. Kaganapang Pangsimuno
Ang pangngalan ay nasa kaganapang pangsimuno kung ito ay nasa panaguri ng pangungusap at tumutukoy din sa pangngalang nasa simuno. Sa madaling salita, iisa lamang ang pangngalang nasa simuno at panaguri.
Hal.
- Si Jose ay isang mabait na bata.
- Isang magiting na bayani si Andres Bonifacio.
- Si Browny ay malambing na pusa.
D. Pamuno
Ang pangngalan ay ginamit bilang pamuno kung ito ay nasa bahagi ng simuno ng pangungusap at tumutukoy din sa mismong simuno. Nagsisilbi itong karagdagang impormasyon upang maglinaw sa simuno ng pangungusap. Kalimitan itong pinagigitnaan ng dalawang kuwit (, pamuno,).
Hal.
- Si Maria, ang aking kapatid, ay isang matalinong mag-aaral.
- Sina Jose at Kiko, ang mga manlalaro, ay maagang dumating.
- Si Lito, guro sa Malaya Academy, ay hinirang bilang kampeon sa pagsulat ng sanaysay.
2. Palayon
Ang pangngalan ay nasa kaukulang palayon kung ito ay ginamit bilang layon ng pandiwa at pang-ukol.
A. Layon ng Pandiwa
Ang pangngalan ay ginamit bilang layon ng pandiwa kung ito ang tumatanggap ng kilos. Sumasagot ito sa tanong na: Ano ang ginawan ng kilos?
Hal.
- Si Jose ay bumili ng mansanas. (Ano ang binili? mansanas)
- Kumain ng ubas si Lotlot. (Ano ang kinain? ubas)
B. Layon ng Pang-ukol
Ang pangngalan ay ginamit bilang layon ng pang-ukol kung ito ang pinaglalaanan ng kilos. Sinusundan ito ng mga pang-ukol tulad ng para sa/kay, kay/sina, tungkol kay/sa at iba pa.
Hal.
- Ang liham na ito ay para kay Susan.
- Tungkol kay Lito ang nilalaman ng aking kuwento.
3. Paari
Ang pangngalan ay nasa kaukulan ng paari kung ito ay naglalahad ng pagmamay-ari sa naunang pangngalan.
Hal.
- Ang pusa ni Lotlot ay nakapakalambing.
- Ang kultura ng Pilipinas ay makulay.

0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.