Sa mga Bulaklak ng Heidelbergni Jose P. Rizalisinalin sa Filipino ni Virgilio S. Almario
Hayo kayo sa bayan ko, hayo, mga banyagang bulaklak
inihasik ng biyahero sa gilid ng munting daan,
at sa lihim ng asul na langit
na tanod sa mga mahal ko
ay isalaysay ang pananalig
na dala ng peregrino mulang lupang tinubuan!
Hayo kayo at sabihin… at sabihing nang ibukas
nang marahan ng liwayway ang kalis n’yo
sa tabi ng nagyeyelong Neckar,
nakita ninyo’y katbi siyang lubhang matahimik,
iniisip ang lupaing palagiang may tagsibol.
At sabihing kapag ang liwayway
na nagnanakaw sa inyong samyo
ay nagbulong ng maharot na awitin ng pag-ibig,
ibinubulong-bulong din niya
ang awitin ng pag-ibig sa wika n’yang katutubo;
na kapag kinumutan ng araw
ang taluktok ng Koënigsthul sa pang-umagang bulawan
at sa bisa ng init na angkin
pinasigla ang bukirin, kagubatan, at ang dawag,
nagpupugay naman siya sa sa araw na sumisikat,
nagliliyab sa taluktok ng bundok ng kanyang bayan!
At isalaysay ninyo ang araw
noong ipunin n’ya kayo sa tabi ng nilalandas
sa may gitna ng ruwina ng feudal na kastilyo,
Sa mga pampangin ng Neckar, o sa gubat na malilim,
isalaysay ang sabi sa inyo
noon, kung paanong anung ingat,
sa loob ng isang aklat na luma na’t lubhang gasgas
ay inipit ang mabango at maselan n’yong talutot.
Dalhin, dalhin, O, mga bulaklak!
pag-ibig sa ‘king mga pag-ibig,
kapayapaan sa bansa at masupling nitong bukid,
mga birtud sa babae, sa lalaki’y pananalig,
at kalusugan sa mga anak
na nilukob ng tahanan ng ninuno’t sakdal-linis.
Pagsapit ninyo doon sa pampang,
itinatak ko sa inyong halik
ay kaagad na ilagak sa bagwis ng mga simoy
upang ito ay pumailanglang
at mahagkan ang lahat kong sinasamba’t iniibig!
At, ay! pagdatal, mga bulaklak,
makikimkim pa marahil ang kulay na matitingkad,
ngunit kapag napawalay sa lupaing iniibig
at inutangan ng inyong buhay,
maglalaho din ang halimuyak;
dahil samyo’y diwang hindi makapagpapalit-langit
ni lilimot sa silahis na sumaksi sa pagsilang.
.png)
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.