Ad Code

KOMUNIKASYON | Kahulugan at Gamit ng Komunikasyon

Kahulugan at Gamit ng Komunikasyon

Ating alamin ang kahulugan at gamit ng komunikasyon.


Komunikasyon ang isa sa pinakapangunahing kinasasangkapan ng tao upang ihayag ang kaniyang kagustuhan, damdamin, o sariling opinyon. Ito ang pising nagsisilbing koneksiyon ng bawat isa na naging dahilan upang makabuo tayo ng relasyon at lipunan. Bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng ninuman ang pakikipagtalastasan.


Sa araling ito, ating tatalakayin ang katuturan at gamit ng komunikasyon.


Komunikasyon

Ang salitang komunikasyon ay hango sa dalawang salitang Latin na ‘communis’ na ibig sabihin ay ‘kaisahan’ at ‘communicare’ na ibig sabihin ay ‘ibahagi’.


Ayon kay McCornack (2014), ang komunikasyon ay proseso ng pagbabahagi at paghahatid ng mensahe o impormasyon mula sa isang tao patungo sa iba sa loob at sa iba pang mga tsanel, konteksto, midya, at kultura. Nagaganap ang komunikasyon sa sandaling ang isang kasangkot nito ay nais magpadala ng mensahe patungo sa iba gamit ang iba’t ibang pamamaraan.


Ayon naman kay Julia Wood (2004), ito ay sistematikong proseso kung saan ang mga indibidwal ay nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga simbolo upang makalikha o magpaliwanag ng mga kahulugan. Upang makapagpadala ng mensahe, ang mga kasangkot ng komunikasyon ay kailangang gumamit ng iba’t ibang simbolo tulad ng mga titik, galaw ng katawan, kulay, imahen, tunog, at ekspresyon ng mukha.


Sa madaling salita, ang komunikasyon ay isang proseso na kinasasangkutan ng mga indibidwal upang ilahad, ibahagi, o ipadala sa iba ang mensahe o impormasyon sa berbal o di-berbal na pamamaraan.


Gamit ng Komunikasyon

Mayroong limang gamit ang komunikasyon.


1. Regulation/Control

Ginagamit ang komunikasyon upang kontrolin ang gawi ng isang tao. Nililimitahan nito ang isang tao sa mga bagay na dapat o hindi niya dapat gamit. Kinakasangkapan din ang komunikasyon upang kontrolin o ayusin ang mga aktibidad na kinasasangkutan ng mga tao.

Hal:

  • Bawal tumawid dito.
  • Tapusin mo muna iyan bago ka umuwi.

2. Social Interaction

Ginagamit ang komunikasyon upang tulungan ang mga tao na makipag-ugnayan sa isa’t isa. Sa pamamagitan nito, nakabubuo ang mga tao ng relasyon sa isa’t isa. Dito ay naihahayag ng isang indibidwal ang kaniyang kagustuhan, kailangan at desisyon, o makapagbigay at mangalap ng impormasyon.

Hal:

  • Kumain ka na?
  • Magandang umaga!

3. Motivation

Ginagamit ang komunikasyon upang hikayatin ang isang indibidwal na baguhin ang kaniyang opinyon, saloobin, o pag-uugali. Tinutulungan nito ang isang tao na magbigyan o magbigay ng inspirasyon sa iba.

Hal:

  • Kaya mo iyan!
  • Huwag mong pansinin ang sasabihin ng iba. Magtiwala ka lang sa sarili mo.

4. Emotional Expression

Ginagamit ang komunikasyon upang ihayag ng isang tao ang kaniyang damdamin tulad ng galit, saya, pag-ibig, lungkot, takot, at iba pa.

Hal:

  • Masaya akong nakilala kita sa buhay ko.
  • Mahal kita.
  • Naiinis ako sa iyo!

5. Information

Ginagamit ang komunikasyon upang magbigay at mangalap ng impormasyon.

Hal:

  • Ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa.
  • Si Gng. Cruz ang guro namin ngayon sa Filipino.




Sanggunian:


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento