Ang Pagbasa
Ang pagbasa ay isa sa mga kasanayang mahalagang nalilinang sa bawat indibidwal. Maliban sa aliw na naibibigay nito, isa itong mabisang paraan upang makakalap ng mga impormasyon. Nakatutulong din ang pagbasa sa paghahasa sa malikhain at kritikal na pag-iisip ng tao.
Sa araling ito, ating tatalakayin ang pagbasa.
Pagbasa
Ayon kay Hank (1983), ang pagbasa ay pag-unawa sa kahulugan ng nakalimbag o nakasulat, at pagbibigay ng intepretasyon dito. Hindi sapat na nababasa lamang ng isang indibidwal ang nakalimbag na salita upang masabi na siya ay nakapagbabasa. Kailangang nauunawaan niya nang lubusan ang kahulugan nito.
Ayon din kina Bond at Tinker (1967), ang pagbasa ay rekognisyon ng anumang nakasulat o nakalimbag na mga simbolo na nagiging “stimuli” upang maalala ang kahulugan ng mga nakalimbag na kaalaman/karunungan mula sa karanasan ng mambabasa. Dito binibigyan ng halaga ang naunang karanasan o kaalaman ng tao upang maunawaan ang binabasa. Higit na maiintindihan ng isang indibidwal ang kaniyang binabasa kung mayroon na siyang dating kaalaman tungkol dito at kung may koneksiyon ito sa kaniyang karanasan at buhay.
Sa madaling salita, ang pagbasa ay proseso ng pag-unawa sa mga nakalimbag na simbolo. Hindi sapat na nakikilala lamang ng isang indibidwal ang mga nakasulat na salita. Mahalagang nauunawaan niya ito, nabibigyan niya ng kahulugan, at nauugnay niya sa dating kaalaman at sariling karanasan.
Layunin ng Pagbasa
Fluwensi
Ginagamit ang pagbasa upang mahasa ang kakayahan ng isang tao sa wastong pagbigkas ng mga salita. Nakatutulong din ito upang maging maayos at wasto ang kaniyang pamamaraan ng pagbasa lalo na nang pasalita. Mula sa diin, sa tono, sa ekspresyon. Nagagamit ito upang mas makilatis pa ang kahulugan ng salita maging ang nilalaman ng teksto.
Komprehensiyon
Nagagamit ang pagbasa upang hasain ang nibel ng pag-unawa ng isang tao. Nililinang nito ang kakanyahan ng isang indibidwal mula sa simpleng pag-unawa hanggang sa metakognitibong pagbabasa. Sa paglinang ng abilidad sa pag-unawa, mas lalong nakakukuha ng kaalaman ang isang tao na maaari niyang gamitin upang makagawa ng impormatibo at replektibong sulatin.
Motibasyon
Ginagamit din ang pagbasa upang hikayatin ang mga tao na lalo pang magbasa. Sa tulong mga retrato, makukulay na ilustrasyon at malikhaing paraan ng paglalahad, nakukuha ang interes ng mga mambabasa upang patuloy na magbasa na siyang nagpapahasa rin ng kanilang abilidad.
Dahilan ng Tao upang Magbasa
- Maraming dahilan ang mga tao sa pagbabasa mula sa simpleng hanggang sa komplikadong dahilan. Narito ang ilan sa pangkaraniwang mga dahilan:
- Nagbabasa ang tao upang kumuha ng dagdag kaalaman o karunungan.
- Nagbabasa ang tao upang magkaroon ng kamalayan sa kasalukuyang nangyayari sa kaniyang paligid.
- Nagbabasa ang tao upang maaliw, malibang, at maalis ang pagkainip.
Sanggunian
- Austero, Cecilia S., Mateo, Tessie S.,Bobadilla-Cruz, Fe, Apigo, Ma. Victoria R., Piers, Cristalina R., Alberto, Rishirl A., Coronel, Brian Ben C., Salazar, Estrella B., Pagbasa at Pananaliksik Tungo sa Pananaliksik. Manila: Rajah Publishing House, 2013.
- “FIL02: PAGBASA AT PAGSULAT TUNGO SA PANANALIKSIK”. Scribd. https://www.scribd.com/document/635787104/Pagbasa-Module-1-1

0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.