Winakasan ng isang paggagalugad ang panahon ng ating mga katutubo. Matapos magapi ni Lapu-lapu si Ferdinand Magellan, nagpadala ang Espanya ng mga manlalakbay sa kapuluan. At sa pamumuno ni Miguel Lopez de Legaspi, tuluyang nasakop ng Espanya ang mga katutubong Pilipino. Ang yugtong ito ang ganap na nagpabago sa sinaunang paniniwala, tradisyon, kultura, wika, at maging sa ating panitikan.
Ating alamin ang naging kasaysayan ng panitikang Pilipino sa panahon ng Kastila.
Mga Impluwensiya ng Kastila sa Panitikang Pilipino
- Ang mga sinaunang pamamaraan ng mga katutubong Pilipino ng pagsulat ay napalitan ng alpabetong Romano.
- Nailimbag ang unang aklat sa Pilipinas na Doctrina Christiana na naging saligan ng mga aral tungkol sa Kritiyanismo.
- Paggamit ng wikang Kastila sa mga panitikan.
- Nadala ng mga Kastila sa Pilipinas ang mga panitikang Europeo tulad ng awit, korido, at moro-moro.
- Paglalathala ng iba’t ibang aklat-pambalarila at diksyunaryo ng iba’t ibang wikain tulad ng Tagalog at Ilokano.
- Pagkaroon at paghihimig ng mga makarelihiyong lathalain.
Mga Akdang Panrelihiyon
Isa
sa pangunahing layunin ng mga Kastila sa pagsakop ng Pilipinas ay ang
pagpapalaganap ng Kristiyanismo (Romano Katoliko) kaya kalimitan sa mga panitikan
na umusbong sa panahong ito ay pumapaksa sa relihiyon. Narito ang ilan sa mga
sumusunod:
Doctrina Christiana (1593)
Ito ang kauna-unahang aklat na nailimbag sa Pilipinas. Ang Doctrina Christiana ay nangangahulugang “Ang mga Aral ng Kristiyanismo”. Inilimbag ito sa pamamagitan ng silograpiko (xylograph) – isang pamamaraan kung saan ang ililimbag ay inuukit muna sa isang kahoy.
Ang
aklat na ito ay iniakda nina Padre Juan
de Placencia at Padre Domingo Nieva.
Naglalaman ito ng mga dasal at turo ng relihiyong Kristiyanismo. Nasusulat ang
Doctrina Christiana sa wikang Kastila, at Tagalog na kapwang nasa alpabetong
Romano at Baybayin.
Nuestra Señora del Rosario (1602)
Ito ang ikalawang aklat na nailimbag sa Pilipinas. Nailimbag ito sa Imprenta ng Pamantasan ng Sto. Tomas sa tulong ni Juan de Vera.
Iniakda
ito ni Padre Blancas de San Jose. Nilalaman
ng Nuestra Señora del Rosario ang talambuhay ng mga santo, mga nobena, at mga
tanong at sagot sa relihiyon.
Barlaan at Josaphat (1708)
Ang Barlaan at Josephat ay may buong pamagat na “Aral na Tunay na Totoong Pag aacay sa Tauo, nang manga Cabanalang Gaua nang mga Malaoualhatiang Santos na si Barlaan ni Josaphat na ipinalaman sa sulat ni S. Juan Damaceno”. Ito ang ikatlong aklat na nailimbag sa Pilipinas at ang itinuturing na kauna-unahang nobelang nailimbag sa bansa. Inilathala ito ng La Compania de Jesus.
Orihinal
itong nakasulat sa wikang Griyego na isinalin sa Tagalog ni Padre Antonio de Borja.
Urbana at Felisa
Isinulat ito ni Modesto de Castro.
Ito
ay tungkol sa pagsusulatan ng dalawang magkapatid na sina Urbana at Felisa.
Pumapaksa ang aklat na ito sa kabutihang asal na nagbuhat ng malaking
impluwensiya sa kaugaliang panlipunan ng mga Pilipino.
Pasyon
Ito ay tungkol sa buhay at pagpapasakit ni Kristo. Kalimitang binabasa ito sa Mahal na Araw.
May apat (4) na bersyon ang pasyon sa Tagalog: Gaspar Aquino de Belen (1704), Don Luis de Guian (1750), Padere Mariano Pilapil (1814), at aniceto dela Merced (1856).
Ang
pinakasikat na bersyon ay kay Pilapil na may walong (8) pantig sa bawat
taludtod, at limang (5) taludtod sa bawat saknong.
Mga Dula
Hindi
lamang sa mga nakalimbag na panitikan nagkaroon ng malaking impluwensiya ang
relihiyon. Nagdulot din ito ng pagbabago sa dulaang Pilipino. Narito ang ilan
sa mga dula:
Panunuluyan
Isang
dulang itinatanghal sa lansangan. Itinatampok ng dulang ito ang paghahanap nina
Maria at Joseph ng matutuluyan sa Betlehem bago isilang si Hesus.
Flores de Mayo
Ginagawa
ito sa buong buwan ng Mayo. Ito ay pag-aalay ng mga bulaklak at pag-awit bilang
handog kay Birheng Maria.
Santa Cruzan
Isang
prusisyong isinasagawa bilang panghuling bahagi ng pagdiriwang ng Flores de
Mayo. Isinasalarawan ng Santa Cruzan ang paghahanap ni Reyna Elena sa Banal na
Krus.
Senakulo
Kadalasang
isinasadula ang Senakulo sa lansangan o sa bakuran ng mga simbahan. Karaniwan
itong ginagawa sa Mahal na Araw. Ito ay nagsasalaysay ng buhay, paghihirap, at
kamatayan ni Hesus.
Salubong
Isang
pagtatanghal na ginagawa rin sa Mahal na Araw. Ipinapakita nito ang muling
pagkikita ni Birheng Maria at ni Hesus nang siya ay muling nabuhay.
Tibag
Isang
dulang isinulat ni Fruto Cruz. Itinatanghal
nito ang paghahanap ni Reyna Elena sa krus na pinagpakuan kay Hesus.
Moro-moro
Tinatawag
din itong komedya. Isang dulang
nagtatanghal ng labanan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim. Moro ang itinawag ng mga Kastila sa mga
muslim na tumangging maging kristiyano.
Karilyo
Isang
pagtatanghal na gumagamit ng anino. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagpapagalaw
ng mga kartong may hugis sa likod ng isang tela na iniilawan ng ilaw.
Sarsuwela
Isang
melodramang sinasaliwan ng pag-awit at pagsayaw. Ito ay karaniwang nagpapakita
ng mga masisidhing damdamin tulad ng pag-ibig, paghihiganti, panibugho, at iba
pa.
Karagatan
Ito
ay larong hango sa alamat ng isang prinsesang nahulog ang singsing sa karagatan
na nangakong papakasalan ang binatang makakukuha nito. Ang
Karagatan ay isang paligsahan sa pagtula na nakabatay sa kuwento ng prinsesa.
Ito ay ginagampanan ng mga tauhan.
Duplo
Isa
ring paligsahan sa pagtula kung saan ang mga kalahok ay magdedebate ngunit sa
paraang patula. Ginagawa ito sa paglalamay sa patay.
Saynete
Isang
dulang panlibangang umusbong sa mga nalalabing taon ng pananakop ng Kastila
sa bansa. Ipinapakita ng dulang ito ang kaugalian ng Pilipino.
Mga Akdang Pangwika
Naging
malaking balakid sa mga Kastila ang mga wika ng katutubong Pilipino sa
pagpapalaganap ng Kristiyanismo (Romano Katoliko). Bilang solusyon, imbes na
turuan ang katutubo mag-Kastila, ang mga Espanyol mismo ang nag-aral ng mga
katutubong wika dahilan upang mabuo ang iba’t ibang aklat na pangwika.
Arte y Reglas de la Lengua Tagala (1610)
Ito
ang unang nailathalang pag-aaral sa katangian at balarila ng Tagalog. Isinulat
ito ni Padre Blancas de San Jose at
isinalin sa Tagalog ni Tomas Pinpin.
Compendio de la Lengua Tagala (1703)
Nangangahulugan
ito sa Filipino na ‘Pag-intindi sa Wikang Tagalog’. Isinulat ito ni Padre Gaspar de San Agustin.
Vocabulario de la Lengua Tagala (1613)
Ang
kauna-unahang talasalitaan ng Tagalog na isinulat ni Padre Pedro de San Buenaventura.
Vocabulario de la Lengua Pampango (1732)
Ang
unang aklat-pangwika ng Kapampangan. Isinulat ito ni Padre Diego Bergano.
Vocabulario de la Lengua Bisaya (1711)
Itinuturing
na pinakamahusay na aklat-pangwika ng Bisaya. Isinulat ito ni Mateo Sanchez.
Arte de la Lengua Bicolana (1754)
Ito
ang kauna-unahang aklat-pangwika ng Bikol na isinulat ni Padre Marcos Lisboa.
Arte de la Iloca
Ang
kauna-unahang balarilang Ilokano na isinulat ni Francisco Lopez.
Mga Kantahing Bayan
- Leron-leron Sinta – Tagalog
- Pamulinawen – Iloko
- Dandansoy – Bisaya
- Sarong Banggin – Bikol
- Ati Cu Pung Singsing – Kapampangan
Mga Tulang Pasalaysay
Awit
Ang
bawat taludtod nito ay nagtataglay ng labindalawang (12) pantig at ito ay
binabasa nang marahan. Halimbawa ng tulang awit ay Florante at Laura.
Korido
Ang
bawat taludtod nito ay nagtataglay ng walong (8) pantig at ito ay binabasa nang
mabilis. Halimbawa nito ang Ibong Adarna.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.