MUKHANG ARTISTA!
Artista nga ba? Artista?
Mula
nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na
iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa
isang taon – kung Araw ng mga Patay at kung Pasko. O napakadalang nga iyon,
bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa
tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababasa niya sa bawat
mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na
sulyap.
At
mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang
likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang
kanyang buhok. Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang
ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang
ulitin ang tanong.
“Serbesa
ba ‘kamo, bata ka, ha?”
Ngumiti
siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito,
idinugtong niya ang paliwanag. “Hindi masama’ng amoy, Nana.”
Ngayon,
sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa
kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng
kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog
na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya.
Sa laylayan na ito na may gilit upang makahakbang siya.
“Ibang-iba
na ngayon ang... lahat!” at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa
dibdib ng matandang ale.
Napangiti
siya. Alam niyang iyon din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan siya.
Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya,
sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang
apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-toreador na
itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula
ulong may taling bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang
sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa step-in na
bukas ang nguso.
“Sino
kaya’ng magmamana sa mga pamangkin mo?” tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang.
“Ang panganay sana ng Kuya mo... matalino...”
“Sinabi
ko naman sa Inso... ibigay na sa ‘kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisa naman
ako. Ang hirap sa kanila... ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang
gusto ni Inang... noon... kung natakot ako sa iyakan...” Tumigil siya sa
pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang
naghihimagsik sa kanyang dibdib.
“Tigas
nga naming iyakan nang lumawas ka...” ayon ni Nana Ibang.
“Noon
pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba ‘ko sa timpalak
na ‘yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?” Malinaw sa isip ang
nakaraan.
Hindi
sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang
batok. “Pinapawisan ka na, e. Ano bang oras ang sabi ni Duardo na susunduin
ka?”
“Alas-tres
daw. Hanggang ngayon ba’y gano’n dito?” at napangiti siya. “Ang alas-tres, e,
alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na
rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika...”
“Naiinip
ka na ba?” agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.
“Hindi
sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik
din ngayon sa Maynila.”
“Ano?
K-kahit gabi?”
Napatawa
si Fely. “Kung sa Amerika... nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa
Maynila pa? Ilang taon ba ‘kong wala sa Pilipinas? Ang totoo...”
Biglang
nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling
Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito.
At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita
siya kangina.
Ang
pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing
pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa
kanyang mga pamangkin. Ibinukod siya ng hain, matapos mailabas ang isang maputi
at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang
maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang
isa niyang pamangking sa pangalan at larawan lalo niyang kilala sapagkat
patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong
kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay
sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amoy roras. At napansin niyang
nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.
“Ayan
naman ang kubyertos... pilak ‘yan!” hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. “ ‘Yan
ang uwi mo... noon... hindi nga namin ginagamit...”
Napatawa
siya. “Kinikutsara ba naman ang alimango?”
Nagsisi
siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng
kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka
ba nagbago ng loob, di sana’y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi... hindi
ka darating...
Wala
nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya – ngayon lamang
gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High
School. Waring hindi niya matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng
Samahan ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang
isipan ang mga titik ng liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang
babaing hukom na nagtapos sa kanila.
Napakislot
pa si Fely nang marinig ang busina ng isang tumigil na sasakyan sa harapan ng
bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid
siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang kanyang
sapatos na mataas at payat ang takong.
“Sa
kotse na,” ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka
ako masilat... baka ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit
sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng
matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay
maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang
lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.
“Ako
nga si Duardo!”
Pinigil
niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na
siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman
ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi
ng tsuper ito naupo.
“Bakit
hindi ka rito?” tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. “May
presidente ba ng samahan na ganyan?”
“A... e...”
Hindi kinakailangang makita niyang nakaharap si Duardo. Napansin niya sa
pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi. ‘A-alangan... na ‘ata...”
Nawala
ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking
naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang
kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos.
“Natutuwa
kami at nagpaunlak ka...” walang anu-ano’y sabi ni Duardo, “Dalawampu’t
dalawang taon na...”
“Huwag
mo nang sasabihin ang taon!” biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa.
“Tumatanda ako.”
“Hindi
ka nagbabago,’ sabi ni Duardo. “Parang mas... mas... bata ka ngayon. Sayang... hindi
ka makikita ni Menang...”
“Menang?”
napaangat ang likod ni Fely.
“Kaklase
natin... sa apat na grado,” paliwanag ni Duardo. “Kami ang...” at napahagikhik
ito. “Kamakalawa lang isinilang ang aming pang-anim...’
“Congratulations!”
pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila
siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.
“Magugulat
ka sa eskuwela natin ngayon,” patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo.
“Ibang-iba kaysa... noon...”
“Piho
nga,” patianod niya. “Hindi naman kasi ‘ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako.
Lagi pa ‘kong nagmamadali...”
“Pumirmi
na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita...”
Bagung-bago
sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa
bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang
kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa
mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan
niya kung alin.
At
nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong
nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya
nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan niya.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.