Ad Code

MAIKLING KUWENTO | Si Binibining Phathupats ni Juan Crisostomo Soto

MAIKLING KUWENTO | Si Binibining Phathupats ni Juan Crisostomo Soto

Punong puno ng kolorete ang mukha ng dalagang si Binibining Yeyeng. Sabi nila ipinanganak ang kanyang mga magulang sa sulok ng Pampanga, sa pinakamaliliit na bayan nito. Dahil dito Pilipina si Binibining Yeyeng mula ulo hanggang paa, at kahit sa kadulu-duluhan ng kanyang buhok, Kapampangan siya.

Dahil mahirap lang sila, karamihang nagtitinda ang ikinabubuhay. Nakikita si Binibining Yeyeng na sunong ang ginatan o kaya bitso-bitso na inilalako niya sa mga sugalan. Nagdalagang walang pagbabago sa buhay nitong binibini.

Natapos ang rebolusyon. Nagbukas ng paaralan ang pamahalaang militar ng Amerika at dito pinagturo ang mga sundalong Amerikano. Nangyaring si Binibining Yeyeng, Yeyeng pa noon, wala pang binibini, ay nagkaroon ng suking sundalo. Inakit ng sundalong mag-aral ang dalaga sa paaralang kanyang pinagtuturuan upang magkaintindihan sila. Sa kanilang pag-uusap, nag-i-Ingles ang sundalo, nagka-Kapampangan si Binibining Yeyeng, kaya napilitan siyang mag-aral.

Pagkaraan ng ilang buwan, nagsasalita na ng Ingles si Binibining Yeyeng. Paglipas ng walong buwan, sa amuki ng gurong kawal, ipinahatid siya sa isang bayan kung saan siya pinagturo.

Noong nagtuturo na doon, pinahanga niya ang taong-bayan dahil nakikita nilang mas marunong siya ng Ingles kaysa sa kanila.

Ganyan lumipas ang panahon. Halos hindi na nagsalita si Binibining Yeyeng ng Kapampangan dahil sabi niya ay nakalimutan na niya. Matigas daw ang Kapampangan at nababaluktot ang kanyang dila, kaya kalian man hindi na siya makapagsalita ng tuwid at nauutal siya.

Nagkalabitan ang mga maalam na nakakikilala sa kanya pagkarinig nito. Pinalitan tuloy ang kanyang pangalan at pinangalanan siya ng matunog at umaalingasaw na “Binibining Phathupats,” pangalang hango sa malapad niyang balakang na pilit na iniipit sa pahang mahigpit na ginagamit niya, kaya wala siyang iniwan sa patupat o suman sa Ibus na mahigpit ang balot.

Magmula noon ito ang pangalang ibinansag sa kanya at nakalimutan nilang tuluyan ang Yeyeng, ang malambing niyang palayaw. Ang Binibining Phathupats ang naging palasak.

Ganito nang ganito ang buhay. Hindi nagtagal lumabas ang Ing Emangabiran, pahayagang Kapampangan sa Bacolor. Sa isang pista o velada sa bayang X, na kung saan dumalo si Binibining Phathupats, binabasa ito. Lumapit siya, ngunit nang makita na Kapampangan ang binabasa, lumabi ng kunti, umiling at nagsabi.

“Mi no entiende el Pampango” 

“Mi no entiende ese Castellano, Binibini,” sabi naman ng isang susut, ginagad ang kanyang tono. Napangiti lahat ng nasa umpukan: at sapagkat may pinag-aralan sila, hindi na nila ipinakita ang pagkaaliw nila sa binibini. At ito namang babae kahit alam na parang tinutukso na siya ay nagpatuloy din at nagsabi:

“Sa katunayan, totoong nahihirapan na akong bumigkas ng Kapampangan lalo na kung binabasa ko.”

Dito sa iilang salitang binigkas niya, sumama lahat ang iba’t ibang wika ng talasalitaang bulgar na ang Ingles, Kastila, Tagalog na pinaghalu-halo niya ang walang kawawaan. Hindi na nakapagpigil ang mga nakarinig; napatawa sila ng malakas.

Nagalit si Binibining Phathupats, hinarap ang mga tumatawa at sabi niya:

“Porque reir?” 

“Por el tsampurado, Binibini,” sabi ng unang sumagot.

Lalong lumakas ang halakhak ng mga nakikinig at nag-init ang pakiramdam ni Binibining Phathupats. Isa sa mga nakatayo ang nagsabi ng ganito.

“Hindi kayo dapat magtaka kung hindi na marunong ng Kapampangan si Binibining Phathupats: Una, dahil matagal na siyangnakisama sa mga kawal na Amerikano: pangalawa, hindi na siya Kapampangan. Katunayan Binibining Phathupats ang kanyang pangalan”.

Noon na sumabog ang bulkan. Putok na ubod nang lakas, sumabog ang kaldero ni Binibining Phathupats at mula sa bunganga niyang naglalawa lumabas ang lagablab ng Vesubiyo o ang lahat ng maruruming salita sa Kapampangan, bigla niyang pinagsama-sama sa nag-aapoy na bunganga.

“Walanghiya! Magnanakaw! Taga-lason! Anak-!” sabi sa tinurang wikang Kapampangan.

“Aba, Kapampangan pala siya!” sabi ng mga nakarinig.

“Oo, hindi ba ninyo alam?” sabi ng nakakakilala sa kanya. “Anak siya ni matandang Godiung Pakbong na aking kanayon.”

Napahalakhak nang malakas ang mga nanonood. Napaiyak na si Binibining Phathupats at sa pagpupunas sa kanyang tumutulong luha sumama ang makapal niyang pulbos sa pisngi. Lumitaw ang likas niyang kulay, maitim pa siya sa duhat. Nang makita ito ng mga nanonood lalo na silang napatawa at nagsabi:

“Aba! Maitim pala siya!”

“Oo, Amerikanang negra siya!

Sigawan, palakpak, halakhakan ang narinig noon. Hindi na nakatiis si Binibining Phathupats. Nagkandarapa sa paglabas sa daan at sabi niya:

“Mi no vuelve en esta casa.” 

“Paalam, Binibining hindi marunong ng Kapampangan!”

“Paalam, Binibining Alice Roosevelt!"

“Paalam, Binibining Phathupats!”

            Ganyan siyang pinagtutulung-tulungan, at ang kawawang Yeyeng ay umalis na bubulung-bulong na parang asong ulol.

Napakarami ng mga Binibining Phathupats sa panahon ngayon. Hindi na sila marunong ng Kapampangan o ikinahihiya na nila ang Kapampangan dahil nakapagsasalita na sila ng Ingles na tsampurado.


Mag-post ng isang Komento

14 Mga Komento

  1. IRA JANELLA RICA M. CALDERONOktubre 22, 2025 nang 8:52 PM

    https://1drv.ms/w/c/c50b9b95e6926178/Ec68bg6AFaVNqAkff5v6kykB8Of2hzrKw54kEHI4wuvxQw

    TumugonBurahin
  2. De Vera, Princess Beatriz F.Oktubre 22, 2025 nang 11:13 PM

    1. “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan”
    - Sa aking opinyon, ang kasabihang ito ay paalala na hindi natin dapat kalimutan ang ating pinagmulan dahil ito ang nagbibigay sa atin ng direksyon at aral sa buhay.

    2. “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda.”
    - Sa palagay ko, ang kasabihang ito ay nagtuturo sa atin na mahalin ang wikang Filipino bilang bahagi ng ating kultura at pagkatao.

    TumugonBurahin
  3. 1.Ang ibig sabihin ng pahayag ay dapat alalahanin ang pinanggalingan. Sa “Si Binibining Phathupats,” nakalimutan niya ang kanyang dating buhay at gusto niya magmukhang mayaman. Dahil doon, hindi siya totoo at ginawang biro ng iba. Para sa akin, mahalaga na hindi makalimot kung saan tayo galing at maging totoo sa sarili.

    2. Ang ibig sabihin nito ay dapat mahalin at gamitin ang sariling wika. Ginamit niya ang wikang Ingles para magmukhang magaling at mayaman. Pero hindi niya naipakita ang tunay na sarili. Para sa akin, mas mabuti pa rin gamitin ang sariling wika dahil ito ang tanda ng ating pagkatao at pagmamahal sa bayan.

    TumugonBurahin
  4. Jase Eros P. TolentinoOktubre 23, 2025 nang 11:35 AM

    1.Para sa akin, ang kasabihang ito ay nagsasabi na dapat nating alalahanin at pahalagahan ang ating pinanggalingan. Sa ganitong paraan, natututo tayong magpatuloy nang may kababaang-loob at pasasalamat sa mga tumulong sa atin.

    2.Para sa akin, ang kasabihang ito ay nagtuturo na dapat nating mahalin at gamitin ang ating sariling wika
    . Kapag ginagamit natin ang sarili nating wika, pinapakita natin na proud tayo sa ating pinagmulan.

    TumugonBurahin
  5. Ang kasabihang ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagtanaw sa pinagmulan. Sa akdang “Si Binibining Phathupats,” makikita na dapat nating pahalagahan ang ating lahi at kultura at huwag itong ikahiya. Para sa akin, mahalagang alalahanin kung saan tayo nagmula dahil dito natin nakikilala ang ating pagkatao at natututo tayong magpakatotoo sa sarili.


    Ipinapahayag ng kasabihang ito na ang pagmamahal sa sariling wika ay tanda ng paggalang sa ating bansa at pagkakakilanlan. Tulad sa akdang “Si Binibining Phathupats,” na unang ikinahiya ang paggamit ng Filipino, natutunan niyang yakapin ito bilang bahagi ng kanyang pagka-Pilipino. Para sa akin, mahalagang gamitin at ipagmalaki ang wikang Filipino dahil ito ang ating ugat at pagkakaisa bilang mga mamamayan.

    TumugonBurahin
  6. RHEANA JANE TORRINO GAWAIN BLG 2 Ms.A FILIPINO 1. “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan.” Sagot: Para sa akin, ang ibig sabihin nito ay kailangan nating alalahanin at pahalagahan ang ating pinagmulan tulad ng ating pamilya, kultura, at mga taong tumulong sa atin. Kung hindi tayo marunong tumanaw ng utang na loob o makalimot tayo sa ating pinagdaanan, mahihirapan tayong umunlad nang may mahinang kalooban. 2. “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda.” Sagot: Para sa akin, ibig sabihin nito ay dapat nating mahalin at gamitin ang sariling wika dahil ito ang simbolo ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino. Kapag ikinahihiya natin ang ating wika, para bang itinatakwil natin ang ating lahi. Mahalaga na ipagmalaki at itaguyod natin ang wikang Filipino..

    TumugonBurahin
  7. 1. Sa istoryang "Si binibining phathupats", makikita na siya ay nakalimutan ang kanyang pinagmulan at naging mataas ang tingin sa kanyang sarili. Para sa akin dapat nating pahalagahan ang ating pinanggalingan, dahil ito rin ang ating dahilan kung sino Tayo Ngayon. Huwag nating kalimutan ang ating pinagmulan dahil ito ang dahilan kung bakit Tayo narito Ngayon.

    2. Sa storya ay ipinakita ni binibining phathupats na mas pinili niya ang ibang wika kesa sa kanyang sariling wika upang magmukhang magaling at ito ay Mali. Para Saakin dapat nating mahalin ang sarili nating wika , dahil ito ay Hindi lang simbolo para sa pagmamahal ng bayan kundi simbolo din ng pagiging tapat at pagkakaisa. Kaya dapat nating mahalin ang sarili nating wika dahil ito ay paraan ng paggalang sa ating kultura at bansa

    TumugonBurahin
  8. 1.Nasalamin ito sa akdang "Si Binibining Phathupats" dahil mula ng makapag-aral siya ng Ingles ay kinalimutan niya na ang kanyang sariling wika. Nang kailangan niyang magbasa sa dinaluhan nya sa velada hindi niya magawa at siya ay napagtawanan dahil sa hindi nya kinalala ang kanyang pinanggalingan. Dapat hindi natin kalimutan kung saan tayo nanggaling at pahalagahan ang ating sariling wika at kultura

    2.Si Yeyeng na naging masyado sa pagiging mahilig sa ibang wika at kultura na nakalimot na sa kanyang pinaggalingan. Nang subukan na magsalita ng kapampangan sya ay naging katawa tawa na nagdulot ng kahihiyan. Mahalaga ang pagmamahal sa sariling wika at kultura dahil ito ay nagpapakita ng respeto sa ating bansa.

    TumugonBurahin
  9. 1. Ang pahayag na ito ay nasasalamin sa akdang “Si Binibining Phathupats” na nakalimot sa kanyang ugat at pinagmulan, makikita na nagiging dahilan ito ng pagkaligaw sa tunay na pagkatao. Natuto lamang sya ng ibang wika ay tuluyan na niyang nakalimutan ang unang wika at pinanggalingan nya. Sa sarili kong pananaw, mahalagang alalahanin at pahalagahan ang ating pinagmulan dahil ito ang humuhubog sa kung sino tayo ngayon. Ang taong marunong lumingon ay may pagpapakumbaba, paggalang at pagpapahalaga sa iyong pinanggalingan.

    2. Sa akdang “Si Binibining Phathupats,” makikita natin na ikinahihiya ni Binibining Phathupats ang paggamit ng sariling wika at mas pinipili ang banyagang pananalita upang magmukhang mataas. Ni isang kapampangan na salita ay kanya na rin itong nakalimutan at mas pinili ang mga lenggwuheng kanyang natutunan. Sa aking pananaw, ang pagmamahal sa sariling wika ay tanda ng pagmamalaki sa sariling bansa. Bilang Pilipino, dapat kong pahalagahan at gamitin ang wikang Filipino dahil ito ang ating pagkakakilanlan at bahagi ng ating kultura. Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay tila itinatakwil ang sariling lahi at kung saan ka nagmula.

    TumugonBurahin
  10. 1. sinasabi dito na dapat nating ipahalaga at alalahanin ang ating pinagmulan. Na uugnay 'to sa akdang "Si Binibining Phathuphas sa pamamagitan ng pagmamalaki sa sariling kultura. Hindi natin makakamit ang ating mga pangarap kung hindi tayo marunong tumanaw sa ating nakaraan. Sa aking sariling karanasan, ang nagbibigay sa akin ng ng lakas at inspirasyon ay ang pag aalala sa aking pinagmulan.

    2. sinasabi dito na ang hindi pagmamahal sa sariling wika ay parang hayop na walang pagpapahalaga sa sariling pakakakilanlan. Maaari itong iugnay sa "Si Binibining Phathupats" sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa wikang Filipino. Sa aking sariling karanasan, ang pagmamahal sa ating wika ay nagpapakita ng pagiging makabayan.

    TumugonBurahin
  11. Sophia Ysabelle Sarambao


    1. Ayon sa akdang "Si Binibining Phathupas", siya ay natuto mag ingles at iba pang lenguwahe ngunit ang kanyang dating lenguwahe na kapampangan ay hindi niya mabanggit ng tama dahil nakalimutan at matagal na siyang hindi nagamit ng lenguwaheng ito,na parabang nakakataas na siya sa kanyang mga kapwa kapangpangan.

    2. Para sa akin dapat natin respituhin at mahalin ang ating sariling wika dahil ito ay sumisimbolo bilang isang pag respeto sa ating bayan,kaya nag hiyawan at nag tawanan ang mga kapwa niya kapampangan dahil tuluyan niya nang nakalimutan ang kaniyang lenguwahe at hindi ma bigkas ng tuwid.

    TumugonBurahin
  12. 1. "Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan”
    - Para sa akin, dapat na wag kalimutan at pahalagahan ang sarili nating wika at kultura. Sa aking karanasan natutunan kong pahalagahan ang kung ano ang meron ako ngayon dahil ito ang humubog sa kung sino ako ngayon.

    2. "Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda. "
    - Binibigyang diin dito ang pagmamahal sa sariling wika ay parte ng pagmamahal sa sariling pagkakakilanlan. Para po sa akin, dapat na mahalin at wag nating kalimutan ang sariling atin. Tulaf ng akda, dapat na hindi ikahiya at ipagmalaki.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. 1. "Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan”
      sinasabi rito na hindi natin dapat talikuran ang lahi natin dahil dito tayo nanggaling lumaki at ipinanganak dapat nating hindi kalimutan ang ating kultura at tradisyon kahit nakapagaral ka sa ibang bansa at nakaaral ng ibang wika di dapat natin talikuran ang ating pagka bansa at ating lahi at kahit tayoy nakalimut dito di natin ito kailangang talikuran

      2. "Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda. "

      sinasabi rito na pagdi mo raw mahal ang iyong sariling lahi at wika ay para kang di nanggaling dito yan ang pinakita ni binibining phatupats pagtapos nyang aralin ang ingles sa isang amerikanong sundalong guro ay di na nya sinalita o kinalimutan nya ang kapampangang wika nya dahil masyado daw itong mahirap bigkasin at malutong kumpara sa ingles na madaling aralin kaya madaming tao ang nagalit sa kanya sa aking palagay di dapat nya kinalimutan ang sariling lahing kapampamgan dahil dito sya nanggaling at nakatira dahil sanay syang magsabi ng kapampangan dapat nung nagaral sya ng ingles ay dapat binibigkas nya parin ang sariling kapampangang wika dahil nung naaral nya ang ingles ay kinalimutan nya na itong bigkasin sa palagay ko kahit ganyan ang pinakita nya ay pilipino parin sya at lahi natin


      Burahin

Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.