Palatuldikan
Sa nakaraang aralin, natutuhan natin ang Ponemang Suprasegmental. Nabatid nating mahalaga ang wastong pagbigkas sa salita at pahayag upang matiyak ang kawastuhan ng mensaheng nais mo iparating sa iba.
Upang gabayan tayo, mayroon tayong mga tuldik na nagsisilbing pananda sa tamang pagbigkas sa mga salita.
Tuldik
Ang tuldik ay mga diin o marka na inilalagay sa ibabaw ng patinig ng salita upang ipahiwatig ang tamang bigkas ng salita (UP Diksiyonaryong Filipino, 2010)
Apat na Tuldik sa Filipino
Sa istrukturang Filipino, mayroon tayong apat na tuldik:
- Tuldik Pahilis (ˊ) - á
- Tuldik Paiwa (ˋ) - à
- Tuldik Pakupya(^) - â
- Tuldik Patuldok (¨) - ä
Ang mga tuldik ay inilalagay sa ibabaw ng patinig ng isang salita.
Mga Diin
1. Malumay
- Ang diin ng salita ay nasa ikalawang pantig sa hulihan.
- Ang salitang nasa ganitong diin ay walang impit sa hulihan bagkus ito ay may aspiradong ‘h’ na tunog (kapag nagtatapos sa patinig).
- Maaaring magtapos sa patinig o katinig ang salita.
- Karaniwang hindi tinutulldikan ang salitang nasa ganitong diin.
- Sa ilang mga talasalitaan, upang maipahiwatig na ang salita ay binibigkas nang may malumay na diin, nilalagyan ng tuldik pahilis (ˊ) ang patinig sa ikalawang pantig sa hulihan ng salita.
Halimbawa: bigkas - baybay - baybay nang may tuldik
Ang diin ng salita ay nirepepresenta ng mga pantig na NAKAMALAKING TITIK.
- BA・soh - baso - báso
- ma・HI・rap - mahirap - mahírap
- tu・MU・long - tumulong - tumúlong
- su・MO・brah - sumobra - sumóbra
2. Malumi
- Ang diin ng salita ay nasa ikalawang pantig sa hulihan.
- Ang salitang nasa ganitong diin ay may impit sa hulihan.
- Nilalagyan ng tuldik paiwa(`) ang huling patinig ng salitang may ganitong diin.
- Ang mga salitang may maluming diin ay nagtatapos lamang sa patinig.
Halimbawa: bigkas - baybay nang may tuldik
Ang diin ng salita ay nirepepresenta ng mga pantig na NAKAMALAKING TITIK.
- TA・laɁ - talà
- PU・soɁ - pusò
- SU-siɁ - susì
3. Mabilis
- Ang salitang nasa ganitong diin ay binabasa nang mabilis.
- Ito ay nagtatapos sa aspiradong ‘h’ na tunog
- Nilalagyan ang dulong patinig ng salita ng tuldik pahilis (ˊ).
- Maaaring magtapos sa katinig o patinig ang salita.
Halimbawa: bigkas - baybay nang may tuldik
- silah - silá
- naritoh - naritó
- aralin - aralín
4. Maragsa
- Binabasa nang mabilis ang salitang may ganitong diin.
- Ito ay may impit na tunog sa hulihan ng salita.
- Ang dulong patinig ng salita ay nilalagyan ng tuldik pakupya (^)
- Nagtatapos lamang sa patinig ang mga salitang nagtataglay ng ganitong diin.
Halimbawa: bigkas - baybay nang may tuldik
- dugoɁ - dugô
- tumulaɁ - tumulâ
- binhiɁ - binhî
5. Schwa
Ito ang pinakabagong diin na kinilala ng Komisyon sa ating wika.
Sa lingguwistika, schwa ang tawag sa mga patinig na hindi gaaanong binibigyan-diin o binibigyan ng empasis sa isang salita. Nagaganap ito kung ang tunog ng patinig ay hindi na binibigkas nang buo, sa halip, ito ay tila dinadaanan lamang ng dila.
Ginagamit ang schwa upang mas mabilis na bigkasin ang mga pantig na walang diin nang sa ganoon ay mabigyan ng mas pagbigkas ang mga pantig nang may diin.
Dahil dito, ang patinig na may schwa ay nagiging tunog ‘uh’.
Karaniwan nating maririnig ang schwa sa mga salita sa wikang Ingles. Halimbawa nito ang salitang ‘vitamin’ kung saan ang ‘a’ ay hindi na gaano pang binibigyan-diin sa pagbigkas. Kinakatawanan ng simbolong ‘ə’ ang schwa sa ponetikong transkripsyon ng Ingles.
Narito ang ilang halimbawa: salita /ponetikong transkripsyon/
- vitamin /'vɑɪ t̬ə mɪn/
- again /ə 'gɛn/
- person /ˈpɜːsən/
(Para sa higit pang kaalaman tungkol sa schwa, panoorin ang bidyu sa kawing na ito: https://youtu.be/QA1jo_GwAGI )
Sa wikang Filipino, hindi karaniwan ang ganitong klase ng diin. Sa ating mga salita, ang tunog ng mga patinig ay binibigkas natin nang buo may diin man o wala.
Ang paggamit ng schwa sa ating wika ay pagkilala sa mga katutubong wika na nagtataglay ng mga ganitong klaseng tunog. Halimbawa rito ang Ilokano, Kinaray-a, at Ibaloy.
Ang schwa sa Filipino ay ginagamitan ng tuldik patuldok (¨).
Narito ang ilan sa mga katutubong salita na nagtataglay ng schwa (Manwal sa Masinop na Pagsulat, 2014):
- wёn (Ilokano) - oo
- kёtkёt (Pangasinan) - kagat
- panagbёnga (Kankanay) - panahon ng pamumulaklak
- tёlo (Mёranaw) - tatlo
- yuhёm (Kinaray-a) - ngiti
- gёrёt (Kuyonon) - hiwa
PALATULDIKAN
Sanggunian:
- Alcaraz, Cid V, Jocson Magdalena O., at Villafuerte, Patrocinio V. Filipino 1: Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Lungsod Quezon: Lorimar Publshing Co., Inc., 2005.
- Almario, Virgilio S., ed, Manwal sa Masinop na Pagsulat. Quezon City: Komisyon ng Wikang Filipino, 2014. E-book
- Almario, Virgilo S., ed, UP Diksiyonaryong Filipino, binagong edisyon. Quezon City: UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, 2010.
- “Introduction to schwa /ə/”. Pronuncian.com, w.p. https://pronuncian.com/intro-to-schwa
- Michael Joe C Nebran’s Vlog. Ano ang Palatuldikan? Ano ang Malumay, Malumi, Mabilis, Maragsa?’. YouTube. 10 Oktubre 2022. https://youtu.be/tC3R8avIVaM
- “What is the Schwa?” Clear Pronunciation, w.p. https://clearpronunciation.com/what-is-the-schwa
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.