Ad Code

ESTRUKTURANG FILIPINO | Pagbabagong Morpoponemiko

 Pagbabagong Morpoponemiko

Halina't ating alamin ang mga pagbabagong morpoponemiko sa estrukturang Filipino.


Isa sa katangian ng wika ang pagiging buhay o dinamiko. Nagbabago ito kasabay ng mga pagbabago ng lipunan at ng mga taong kumakasangkapan dito. Bunsod nito, maraming mga salita ang umusbong sa bibig ng mga mamamayan. 


Isa sa mga pagbabagong ito ang mga pagbabago sa morpema ng mga salita na tinatawag nating pagbabagong morpoponemiko.


Pagbabagong Morpoponemiko

Ang Pagbabagong Morpoponemiko ay mga pagbabagong nagaganap sa karaniwang anyo ng isang morpema. Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng impluwensiya ng iba pang morpema ng isang salita.


Pansinin ang salitang ‘pambansa’. Kung hihimayin, nagsimula ang salitang ito sa pagsasama ng ‘pang-’ at ‘bansa’. Dahil sa impluwensiya ng ‘b’, ang panlaping ‘pang-’ ay naging ‘pam-’ kaya naging ‘pambansa’.


Tingnan ang ilan pang halimbawa:

  • pang- + lipunan = panglipunan > panlipunan
  • pang- + patay = pangpatay > pamatay
  • ma- + dapat = madapat > marapat
  • -in- + layo = linayo > nilayo
  • takip + -an = takipan > takpan
  • ka- + totoo + han = katotohan > katotohanan

May mga Uri ng Pagbabagong Morpoponemiko ang estrukturang Filipino:


1. Asimilasyon

Nangyayari ang pagbabagong ito dahil sa impluwensiya ng mga katabing tunog ng morpema.

Nagaganap ang asimilasyon sa mga panlaping nagtatapos sa ‘ng’ tulad ng ‘pang-’, ‘sing-’ at ‘kasing-’


Tuntunin:

1. Kapag ang salita ay nagsisimula sa mga ponemang /p/ at /b/, ang /-ng-/ ay magiging /-m-/.

pang- + bansa = pambansa

pang- + paaralan = pampaaralan

sing- + bango = simbango

sing- + puti = simputi

kasing- + bigat = kasimbigat

kasing- + presko = kasimpresko


2. Kapag ang salita ay nagsisimula sa mga ponemang /d, l, r, s, t/, ang /-ng-/ ay magiging /-n-/.

pang- + dagat = pandagat

pang- +rehiyon = panrehiyon

sing- + dami = sindami

sing- + talino = sintalino

kasing- + tangkad = kasintangkad

kasing- + lawak = kasinlawak


Ang asimilasyon ay nahahati 2 uri:

1. Di-ganap na Asimilasyon

Di-ganap ang asimilasyon kung ang pagbabago ay nagaganap lamang sa pinal na ponemang /-ng-/ ng isang panlapi.


Halimbawa:

pang- + lalawigan = panlalawigan

pang- + pagtuturo = pampagtuturo

sing- + bait = simbait

sing- + taas = sintaas

kasing- + bigat = kasimbigat

kasing- + tulin = kasintulin


2. Ganap na Asimilasyon

Ganap ang asimilasyon kung nagbago ang /-ng-/ ng panlapi at nawala ang unang ponema ng kasunod na salita.


Halimbawa:

pang- + pugaran = pampugaran > pamugaran

pang- + takot = pantakot > panakot


2. Pagpapalit ng Ponema

Tumutukoy ito sa mga ponemang nababago o napapalitan sa pagbuo ng isang salita. Madalas itong nangyayari kung ang salita ay kinakabitan ng isang panlapi o, sa ilang pagkakataon, kapag ito ay inuulit.


Kalimitang makikita ang ganitong pagbabago sa mga ponemang: /o/ at /u/, /e/ at /i/, /d/ at /r/, /h/ at /n/.


Pagpapalitan ng /e/ at /i/

  • babae - kababaihan
  • onse - onsihan

(Tingnan sa kawing na ito ang mga tuntunin sa pagpapalitan ng /e/ at /i/: https://hibarongfilipino.blogspot.com/2023/05/pagpapalitan-ng-e-at-i-at-o-at-u.html)


Pagpapalitan ng /o/ at /u/

  • halo - haluhalo
  • turo - turuan

(Tingnan sa kawing na ito ang mga tuntunin sa pagpapalitan ng /o/ at /u/: https://hibarongfilipino.blogspot.com/2023/05/pagpapalitan-ng-e-at-i-at-o-at-u.html)


Pagpapalitan ng /d/ at  /r/ 

  • dapat - marapat
  • tawid - tawirin

(Tingnan sa kawing na ito ang mga tuntunin sa pagpapalitan ng /d/ at /r/.)


Pagpapalitan ng /h/ at /n/

  • tawa + han = tawahan > tawanan
  • sarili + hin = sarilihin > sarilinin

(Abangan ang mga tuntunin para sa /h/ at /n/.)


3. Metatesis o Pagpapalit

Ito ay pagbabago sa posisyon ng ponema sa isang salita. Nagaganap ito sa mga salitang nagsisimula sa /l/ at /y/ na ginigitlapian ng /-in-/, kung saan ang gitlaping /-in-/ ay magiging /ni-/ at ilalapi sa unahan ng salita.


Halimbawa:

  • layon + -in- = linayon > nilayon
  • yaya + -in- = yinaya > niyaya

4. Pagkakaltas ng Ponema

Nagaganap ito kung may nawawalang ponema sa isang salita. Nangyayari ito sa huling patinig ng salita kapag nilalagyan ng hulapi.


Halimbawa:

  • takip + -an = takipan > takpan
  • bili + -han = bilihan > bilhan
  • bukas + -an = bukasan > buksan

5. Paglilipat-diin

Nalilipat ang diin ng isang salita sa ibang pantig nito kapag nilalapian.


Halimbawa: Ang mga pantig na nakamalaking titik ay nagrepepresenta ng diin ng salita.

  • LAro - laruAN
  • taPAT - KAtaPAtan
  • BAta - KAbaTAan

6. Pagdaragdag o Pagsusudlong

Ito ay pagdaragdag ng isa pang hulapi sa isang salitang mayroon nang hulapi.


Halimbawa:

  • ka- + totoo + han = katotohan > katotohanan
  • alala + -han = alalahan > alalahanin

7. Reduplikasyon

Nagaganap ito sa pamamagitan ng pag-uulit sa pantig ng isang salita. 


Halimbawa:

  • alis - aalis
  • pamalo - pamamalo
  • punta - pupunta

8. Pag-aangkop

Ito ay pagsasama ng dalawang salita upang makabuo ng isang salita. Talamak sa pagbabagong ito ang pagkakaltas ng ponema upang mapaikli ang bubuohing salita.


Halimbawa:

  • tingnan mo - tamo
  • wika mo - kamo
  • hintay ka - teka









Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento