Kamatayan ni Tiyo Samuel
ni Efren R. Abueg
Sa kaniyang balisang magdamag ay isa-isang sumulot sa
silid na iyon ang daan-daang lalaki at babae, mga kabataang may hawak na
kartelon at mga aklat at may mumunting bag na nakasakbat sa balikat sa
paglalakad at nagsisiawit ng kantahing pambaya, nakatigil ang trapiko, at ang
ulo ng mga tsuper ay nangag-usli sa mga durungawan, nakanganga o nakangisi o
nakaismid, ngunit hindi sila nababalino, patuloy sila sa pagmamartsa, patungo
sa gusaling iyon sa pagitan ng malalaking punong akasya.
... Duyan ka ng magiting
Sa manlulupig
Di ka pasisiil...
Mataas ang tono ng kanilang awit, walang pagpipigil
sa pagbubuhos ng kanilang damdamin, binibigyang-diin ang kanilang layon at
habang nalalapit sa gusaling iyon, nagmamadali ang kanilang hakbang, waring
minamadali ang pagkuha sa isang bagay na kanilang kailangan.
...Aming ligaya na pag may mang-aapi
Ang mamatay nang dahil sa iyo...
Pilit siyang dumilat , ngunit parang bakal ang bigat
ng talukap ng kanyang mga mata at ang kapaligiran ay hindi nagbabago sa kanyang
isip. Nagmamartsa pa rin ang mga kabataang lalaki at babae, nagniningas ang mga
sulong hawak ng nangauuna at nangahuhuli at patuloy ng pag-awit, paulit-ulit,
hanggang sa makubkob ang binalantok na harapan ng gusali at sa isang sigaw ng
lider ay tumahimik ang lapit.
Bigla, ang mga ningas ng sulo ay hinipan sa harapan
ng gusali, ang naningkad ay ang maputing liwanag.
...Mga kapatid, bakit tayo naririto? Bakit tayo
umaawit? Bakit hawak natin ang mga kartelon?
Parang isang dambuhalang bibig at sagot. Umuugong.
Parang isang dalampasigang binabayo ng nagdurumambang mga alon.
Ibagsal ang Imperyalismo! Wasakin ang kanilang mga
interes!
Mula sa malayo, unti-unting narinig ang matamis na
ugong ng mga sirena. Gumuguhit, nag-aapura. Sa binalantok na harapan ng gusali,
ang mga kabataang lalaki at babae ay nangapatigil sa pagsigaw, nakiramdam at sa
ilang sandali, parang tubig na sumanib sa kanila ang malalaking lalaking
nakauniporme, may taklob ang mga ulo, may hawak na mahahabang batuta at may mga
mukhang kinasinagan ng pagbabanta.
Muli, pinilit niyang dumilat. Parang may naamoy
siyang kung ano. Malansa. Sa karimlang ng kanyang isip, kumapa siya –
kailangang makabangon siya, mapuntahan ang mga kabataang lalaki at babaing nasa
harap ng gusaling iyon at bigyan ng babala: May panganib! May panganib! Ngunit
wari’y kalawakang walang hanggan ang lahat, pawang hangin, pawang mga bagay na
hindi mahipo ngunit nadarama at pati siya’y nakalutang, nakalutang at hindi
niya mapigil ang kanyang pagkatangay. Sa pagkaunawa ng panganib sa pagkatangay,
napasigaw na lamang siya: Huwag! Huwag! Subalit waring iyon ay huli na sapagkat
hindi pa napipinid ang kanyang bibig ay sumambulat sa kanyang pagndinig ang
isang umuugong na daluyong, tulad ng pagbayo ng mga marahan na alon sa isang
lugaming dalampasigan. Umikoy siya, umikot nang umikot, habang ang kanyang
dalawang bisig ay nanghahalimaw, humanap ng isang bagay na mahahawakan.
Hanggang sa ang kanyang balintataw ay sumilay ang liwanag. Itinaas niya ang
kanyang mga kamay, pantay sa kanyang dilat na dilat na mga mata sa buong
pagkagimbal niya, nakita niyang may dugo sa kanyang mga daliri, malapot ang
dugo, kulay-granateng dugo! Nangatal siya. Bakit may dugo ang aking mga kamay?
Bakit? Muli, pumikit siya. Sinikap niyang makabalik sa pook ng mga kabataang
lalaki at babae sa binalantok na harapan ng gusali at hanapin ang kanyang anyo
at tingnan kung ano ang nangyari at mabatid kung bakit may dugo ang kanyang mga
kamay. Subalit payapa na ang binalantok na harapan ng gusali at ang naroon ay
ilang laglag na dahong niyapakan ng mga lalaking mapuputi ang balat at ginto
ang mga balahibo’t buhok.
Hindi lamang balisa siya sa kanyang magdamag. Ngayon,
gimbal na siya sa kanyang karimlan. Humahagok siya sa pagkakapikit at aywan
kung bakit sa tuwing hahagok siya nakararamdam siya ng gaan sa talukap ng
kanyang mga mata. Parang nalulusaw ang pagkabak niyon, parang nagiging papel,
manipis na papel. Natuwa siya. Mababatid niya ang lahat-lahat. Malalaman niya
kung panaginip lamang ang lahat nang iyon.
Dumilat siya. Sumambulat sa kanyang mukha ang liwanag
ng silid. Nakatayo siya sa gitnang-gitna, nangangatal ang mga kamay at sa
kanyang paanan, may isang katawang nakatagilid sa pagkakatimbuwang at ang ulo’y
nakakiling at ang isang bahagyang nakadilat na mata ay nakasulyap sa kanya.
Sino ito? Sino?
Dahan-dahan, tumiklop ang isang paa niya, ang kanan,
at pumantay ang kanyang tuhod sa handusay na katawan at sa lumilinaw nang
paningin ay binulaga siya ng mukhang iyong kilalang-kilala niya, mula pa sa
pagkabata, mula pa sa pagkakaisip, ang mukhang iyong hindi niya malilimot, a,
ang mukhang iyon ng kanyang Tiyo Samuel!
Bakit patay ang kanyang Tiyo Samuel? Bakit may dugo ang
kanyang mga kamay? Ano ang nangyari?
Tumindig siya, umurong at sa kanyang bibig ay ibig
tumalilis ang sigaw ng panghihilakbot. Bakit may dugo ang kanyang mga kamay? Siya
ba ang pumatay sa kanyang Tiyo Samuel?
Umurong siya nang umurong, papatakas, papalayo,
ngunit sa pagkakatitig sa duguang mga kamay, sa mga daliring nangangatal ay
nasalabid sa kung saan ang kanyang mga paa at siya’y nabuwal at binawi man niya
ang katawan ay kumalabog din siya sa lapag at pumalo ang kanyang ulo sa isang
matigas na bagay at muli, kinandong siya ng dilim.
Naroon na naman ang maraming kabataang lalaki at
babae. Nagsisigawan. Sa di-kalayuan sa binalantok na harapan ng gusali ay
umaatungal ang mga sirena at sa may hagdanan ng guslai ay may mga puting
lalaking sumisigaw, nakasuntok ang mga kamay at nagmumura, samantala, ang sumanib
sa malalaki’t matitipunong lalaki nakauniporme, may taklob ang mga ulo at may
hawak na mahahabang batuta,ay nakahawak sa puluhan ng mga kartelon at ang mga
mata’y tinatalsikan ng matinding poot. At sa isang iglap na pangitaing iyon ay
nahagip niya ang kanyang anyo, ipinagtutulakan ng dalawang lalaking malalaki’t
matitipuno at siya’y nanlalaban, manghahalimaw at maya-maya pa’y nakita niyang
tumaas ang magabang batuta ng isang nakauniporme at sinangga niya iyon at sinikmurahan
niya ang may hawak ay siya’y snipa nito at aywan kung bakit bigla na lamang
nagkaroon ng patalim ang kanyang kamay at nanaksak siya, nanaksak nang walang
payumangga hanggang sa ang mga daliri niya ay manlagkit sa kulay-granateng
dugo.
Makirot ang kanang likod ng kanyang ulo. Sinapio niya
iyon, may dugo. Mabigat ang talukap ng kanyang mga mata, ngunit sinikap niyang
dumilat. Tinakasan ng lakas ang kanyang mga bisig ngunit nakaganap pa rin siya.
Subalit hindi nagtagal, may mga kamay na sumaklit sa kanya, pabaltak siyang
itinindig at isang mukhang mabalasik ang bumulaga sa unti-unting nabuksang
niyang paningin.
Bakit mo siya pinatay? Bakit?
Natulala siya. Sino ang kanyang pinatay? Bakit siya
pumatay? Bakit?
Hindi siya sumagot. Parang tangang tumingin siya sa
mabalasik na mukha at ang bibig nito ay bumuka at sumara at siya’y narindi
lamang sa mga tanong nito at siya ay yumuko at sa pagyuko ay nahagip ng kanyang
paningin ang katawang nakahandusay sa sahig at naliligo sa natuyo nang
granateng dugo. Ang kanyang Tiyo Samuel? At itinaas ang kanyang mga kamay sa
pagkagimbal at nakita niyang ang mga daliri niya ay may dugo at siya’y
nanghilakbot at napasigaw at siya’y naiyugyog ng mga humahawak sa kanya at muli’t
muli siyang tinanong: Bakit mo siya pinatay? Bakit?
At sa pagdilat-pagpikit niya ay nakita niyang
ipinarada sa kanyang mukha ang isang balisong, ang pagkapilak niyon ay
kakapiraso sa may dakong puno ng talim, sapagkat may bahid ng dugo.
Nasa paltok sila ni Ligaya, sa likod ng kabit-kabit
na gusalib ng pamantasan. Nakahiga siya sa damuhan at si Ligaya ay nakalupasay
sa kanyang tabi at nakatanaw sa ilaya.
Tingnan mo! Hayan, tingnan mo!
Hindi siya kumilos. Ang tiningnan niya ay mga bagay
kay Ligaya na kinagigilawan niyang tingnan, tulad ng taynga, ng batok na may
maitim na nunal, at ang buhik niyang kayhaba, ngunit ngayon at pinaputol na, at
ang punggos ng balikat na tulad sa hindi pa nalilinis na ginto ang
pagkakayumanggi.
Bumangon ka nga, Felipe. Tingnan mo!
At binatak ang isang niyang bisig at napilitan siyang
bumangon at tumanaw sa ilaya.
O?
Hayun! Nakikita mo ba’ng usik na ‘yon?
Ano’ng usok ang sinasabi mo? Wala naman, a!
Felipe, tinutudyo mo ba ako?
Nakabaling sa kanya si Ligaya at naglulumoy siya sa
mga matang iyon at dagli, nagnasa siyang halikan iyon at simsimin ang tubig na
nagpapakislap sa kaitimang naroroon.
Di ba ‘yon ang factory ng tiyo mo?
O?
Ang yaman na ng tiyo mo. Sabi ng aking Itay, ang Papa
mo lang ang mayaman... hindi ang tiyo mo. Pero nang mamatay ang Papa mo, yumamang
mabuti ang tiyo mo.
Nakatanaw si Ligaya sa mga gusaling may labasan ng
usok na naghahamon wari sa langit. Isang malawak na lupa ang kinatitindigan,
nakukubkob ng mataas na pader. Kumislap ang mga bubong sa tama ng sikat ng
araw.
Baka balang-araw, mayaman pa sa ‘yo ang tiyo mo!
Nalusaw sa paningin niya ang mga gusali, ang malawak
na lupang kubkob ng matataas na pader. Nasa isang bunduk-bundukang niyugan sila
ng kanyang Tiyo Samuel at nakatunghay sila sa maraming bunduk-bundukan ng mga
niyog na nawawasiwas ang mga dahon, ngunit paglilisan na ang malakas na hihip
ng hangin, ang malalabay na dahon ay yuyuko na wari bagang isinusuko ang
katayugan sa nakatingalang lupa.
Nakabota ang kanyang Tiyo Samuel, nakabastipol, may
hawak na baston at itinuturo sa kanya ang lawak ng ari-arian ng kanyang ama.
Mula rito hanggang doon... iyong lahat ‘yan!
Ang doon ay waring walang katapusan... isang kahabaan
ng kaluntiang hindi maabot ng kanyang paningin.
Pagsapit mo ng beinte-dos.. iyo na ‘yan at kailangang
paghandaan mo. Kaya gusto ko’y agrikultura ang kunin mo... dahil malupa ang
iyong Papa.
Pinipili niyang abutin ng tingin ang malayong doon ng
lupain ng kanyang yumaong ama at marahan, parang isang munting dasal ang inusal
niyang mayaman ako! mayamang-mayaman! At
kasunod niyan ang badya ng tuwa.
Nalusaw sa kanyang paningin ang mga bunduk-bundukang
iyon at ngayon, nasa himpapawid sila ng kanyang Tiyo Samuel, sakay ng isang
helikopter at nakatunghay sila sa makapal na kaluntian ng punong abaka.
Masdan mo... iyong lahat ‘yan!
Libu-libong puno ng abaka, malapad na dahong
susun-suson, waring nakatungkay sa mamula-mulang lupang kinatatamnan at sa
pagbaling niya sa kanyang tiyo ay naroon ang liwanag ng isang mukhang
tiwalang-tiwala sa hawak nitong kapangyarihan.
Pagpalain mo ang abakang ito, tulad ng pagpapala ng
iyong Papa. Mula sa lupang iyan, ang walang katapusang biyaya ay mapapasaiyo.
Ngunit binawi niya ang tingin sa kanyang Tiyo Samuel.
Nalusaw ang mukhang iyon at ang pumalit ay isang mukhang puting-puti, matangos
ang ilong, ginintuang buhok at nakatabako, at nagtatawa at wari’y may
inililihim sa kanya. Sa mukhang iyon ay sumanib ang nagtataasang mga gusali,
ang mga pako at ang mga papel at ang mga sapatos at ang mga plastik na
kagamitan, umaagos ang mga iyon patungo sa kinaroroonan ng kay-raming mga
kayumangging nakaabang, nangakataas ang kamay sa pagkakatuwa, sumasalubong
upang sa isang iglap, ang agos ng mga kagamitang ito ay kanilang dumugin nang
dumugin at sila’y nagkagitgitan, nagkadagildilan, nagkayakapan, nagkasikuhan at
sila’y parang mga hayop na bigla na lamang naging mga baliw sa pag-aagawan sa
pira-pirasong mga buto!
Sumigaw siya. Tigil! Huwag! Ngunit, hindi magkamayaw
ang lahat. Sigawan. Pagbabanta. Halakhak ng malalakas. Daing ng mahihina.
Ang karimlan ay manipis at pinagmasdan niya si
Ligaya. Isang katawang kayumanggi pagkaraang mahubaran ay pinatitingkad ng manipis
na karimlan at hinipo niya iyon at nadamang mainit at, dahan-dahan, ikinulong
niya iyon sa kanyang mga bisig at dinama ng katawan at pagkaraang sumayad ang
kanilang katawan sa malambot na hihigan ay inusal niya, isang usal ng isang
magsasakang maghahasik pa lamang ng palay sa bagong sinuyod na linang: ano man mangyari,
alagaan mo ang iiwan ko sa ‘yo. Hindi siya sinagot ni Ligaya. Dumaing itong
parang nasugatan at inabot ng isang kamay ang kanyang ulo at hinila at siniil
ng halik ang kanyang bibig.
Sa karimlang iyon, sa kapangyarihan ng kanilang
katawan ay parang puting aninong sumulpot ang kanyang Tiyo Samuel at siya’y
binatak sa bisig at siya’y pinagmasdan at saka binalingan si Ligaya at sila’y
kapwa kinaladkad sa harap ng salamin at sa isang iglap, sa sumambulat na
liwanag, ay natanghal ang hubad nilang katawan.
Tingnan mo ang iyong kulay! Tingnan mo ang sa kanya!
Nagtatangis ang mga ngipin ng kanyang Tiyo Samuel. Naroon
ang poot. Sa kanya, pagkasuklam; kay Ligaya, pandidiri.
Nakikita mo? Nakikita mo?
Ang sigaw na iyon ay sinagot ng mga hikbi ni Ligaya.
Ng pagtutukop ng dalawang kamay sa maselang bahagi ng katawan, ng pangangatal
ng mga bisig nito, ng pagbukas ng bibig na waring may ibig paghimagsikan.
Nararamdaman niya ang pagbatak sa kanya ng kanyang
Tiyo Samuel. Inilalayo siya kay Ligaya, inilalayo. Nagpupumiglas siya. Bitawan
mo ako! Lumayo si Ligaya, lumalayo at maya-maya, bigla na lamang itong nawala. Nagpumiglas
siya. Nangagat at naniko at sumigaw at siya’y nakahulagpos at sa kahubdan niya
ay hinanap si Ligaya.
Ligaya! Ligaya!
Nakita niya ang sarili sa isang pangit na pook: sa
mga datig-datig na dampa, sa mga nagpupusaling eskinita, sa mga tulay na
nangangapal sa kapit ng putik. Tumatakbo siya, hinahabol ang aninong naanyuan
niya mula sa malayo, mabilis na pagtakbong walang inaalagatang katitisuran – o kahahantungan
– ang mahalaga’y abutan ang aninong naanyuan niya at pigilin at yakapin at
muli, dalhin sa silid niyang iyon at aluin at muli, pagpunlaan ng kasiyahang
aalagaan nito ano man ang mangyari sa kanya.
Isang araw ay may dumaong na bapor mula sa Europa.
Isang higanteng bapor na nagtatanghal ng mabibigat na kasangkapang Europeo at
niyakag niya roon si Ligaya. Tumuon ang kanyang tingin sa mga mukhang iyon,
makikintab na makinang gayong nakahinto at hindi umaandar at waring naghahatid
sa kanya ng ugong.
Narinig mo ba, Ligaya?
Ngunit hindi sumagot si Ligaya. Nakatitig sa kanya si
Ligaya at parang maiiyak ito sa pagkaunawa kaipala sa kanyang iniisip.
Umuugong, Ligaya. Umuugong!
At hinaplos niya ang makina at ang lamig ay nanulay
sa kanyang mga ugat at sinabi niya kay Ligaya na balang-araw, ibig niyang
lumikha ng gayong makina, at makakita ng libu-libong makinang umuugong sa
kanyang kapaligiran, umuugong, walang hinto, parang mahiwagang awit ng Ibong
Adarna, na magpapabangon sa mga tisikong mga katawan sa lugar nina Ligaya, at
magpapadaloy ng dugo sa mga tabaing katawan at magpapaumbok ng masel sa mga
bisig na walang magawa. Nakikita niya ang libu-libong mukhang iyon,
pumapasok-lumalabas sa mga higanteng pabrika, hindi yuko ang ulo, hindi pagal,
hindi nakaitim sa poot ang mga bagang, kundi nangakatawa, nangagbibiruan, at
nagsisipagmadali, na wari bagang may naghihintay sa kanila, sa kani-kanilang
destinasyon. Muli, hinaplos niya ang mga makinang iyon, at pinihit niya ang
isang ikiran at umikot nang bahagya ang makina at hindi na iyon tumigil at
nagsimulang umugong, kinain ang mga katawan ng abakang bagong kabubuwal at
niligis ang laman ng mga niyog na biyak sa gitna., umuugong na parang awit ng
Ibong Adarna, pumailanglang sa papawirin at sa mga tahanang hindi pa pawid,
kundi mga konkreto at nangagdungawan ang mga mukhang walang hapis, ang mga
mukhang sumasalubong sa tamis ng awiting iyon.
Niintindihan mo ba ako, Ligaya?
Ngunit muli, hindi siya sinagot ni Ligaya, kundi
pinakatitigan siya nitong kaipala’y nakaunawa sa kanya at parang nahigop ito ng
kanyang katawan sa isang iglap at numipis ang liwanag at nakita na naman niyang
hubad si Ligaya, ang buong pagkababae ay isang dipang kayumangging lupa at
niyakap niya ang katawang iyon at inusal ang dati niyang inuusal at dumating si
Ligaya at sa kanyang isip ay nabuo ang isang kasiyahang balang-araw ay aalagaan
ni Ligaya ano man ang magyari sa kanya.
Felipe! Felipe!
Hinabol siya ng kanyang Tiyo Samuel. Tumalilis siya.
Nagpasikut-sikot siya sa mga nakahambalang na karton na pagsisidlan ng mga
pulbos na iniluluwal ng mga mumunting bibig sa pabrika ng kanyang Tiyo Samuel. Hindi
siya lumilingon. Natatakot siyang sa kanyang paglingon ay mapatigil siya sa
paghakbang at hindi siya makalayo.
Felipe! Felipe!
Binilisan niya ang paglakad, halos takbo na, subalit
dumalas at lumakas ang bagsak ng mga yabag sa kanyang likuran at bago siya
nakaiwas ay nahawakan siya ng matitigas na kamay ng kanyang Tiyo Samuel.
Wala kang utang na loob!
Parang sinampal siya. Napaharap siya sa kanyang Tiyo
Samuel. Sinusurot siya ng mga paningin nitong parang dalawang daliring
isinusundot sa kanyang mukha.
Matapos siyang mapalaki. Gaano’ng edad mo nang mamatay
ang iyong Papa?
Nakarinig siya ng malakas na tili. Naghihimagsik na
tili. Ayoko! Ayoko!
Lumalakas pa. Namumuno sa kanyang pandinig.
Hindi ko hinihinging bayaran mo ako. Aanhin ko’ng
kabayaran mo? Huwag mo lamang akong hiyain sa mga kaibigan ko. Mga pilantropo ‘yan
na magnenegosyo sa Pilipinas para tulungan ang ating matatalino na walang
salaping magagamit sa pag-aaral. Kailangan nilang puhunanin ang kanilang
salapi, upang magpatuloy ang kanilang pagbibigay ng tulong sa matatalino natin.
Bakit mo tututulan ang pagpeprenda ng kalahati ng ari-arian mo? Makatutulong ka
sa dakilang layunin nila. At walang ano mang panganib na malustay ang salapi
mo. Bakit, nang gagamitin ko ba sa mga negosyo ko ang pera mo, ang kabuhayan mo
ba’y nabawasan kahit isang kusing? Hindi. Kabit-kabit ang aking mga pabrika, at
ni isa bang pirasong lote ay naiawas sa iyong lupain?
Lumakas pa ang tili. Sinisiil ang kanyang taynga. At
muli, tinalikuran niya ang kanyang Tiyo Samuel. Patakbo siyang lumayo.
Tumatakbo nang buong bilis. Ngunit patuloy na lumalakas ang tili, humahabol.
Ayoko! Ayoko! At sa pagtakbo niya ay may isang batang lalaking labindalawahing
taong gulang na nakita niya sa malayo, isinasakay ng isang lalaki sa isang
maangkad na kabayo at ayaw sumakay ang bata at nagsisipa at nagtatadyak, ngunit
tinatampal ng lalaki. Papalapit siya. Nakaririndi na ang tili. Ibig na niyang
bumalik, ngunit hinahabol siya ng kanyang Tiyo Samuel. Sasalungahin na rin niya
ang tili. Tatakpan na lamang niya ang taynga. At papalapit na nga siya at
lumilinaw ang anyo ng bata at ng lalaki hanggang sa nang mapaharap siya sa mga
iyon ay namangha siya: ang bata’y siya! ang lalaki ay ang kanyang Tiyo Samuel!
Napahinto siyang bigla, parang tuod na isinaksak sa lupa at sa pagkakitang ang
bata ay naisakay na sa kabayo at ang latigo ng lalaki ay nakaamba sa katawan ng
hayop, sumigaw siya, malakas na sigaw at ang kabayo ay biglang umigtad at
sumibad ng takbo at ang batang nagtititili ay nangakataas ang kamay sa
matinding pagkatakot. Pagkaraan ng ilang saglit, ang tili ay naging bulong na
lamang ng lumipas na sandali.
Matagal bago bumalik ang kabayo. Wala na ang tili;
hindi na niya narinig. Ang bata ay nakadapa sa ibabaw ng hayop, nakalaylay ang
mga bisig. Ang kabayo ay lumapit sa lalaki at inungkad-ungkad ang mukha nito,
na wari bang sinasabi: Panginoon, natupad ko na po ang ipinag-uutos n’yo at
tinapik-tapik ng lalaki ang umuungol na kabayo na wari bang sinagot: Magaling!
Magaling!
Sa pagkakatigagal inabot siya ng kanyang Tiyo Samuel
at hinawakan nito ang kanyang malatang bisig at siya’y inakay na pabalik at
muli, nagdaan sila sa naghambalang na mga karton na paglalagyan ng mga pulbos
na iniluluwa ng mumunting bibig ng mga makina sa pabrika at sa loob ng silid na
tinatakasan niya ay nangakaupo ang tatlong dayuhang lalaki, ginintuan ang mga
buhok, mapupula ang mga mukha at matatangos ang mga ilong.
Nakangiti ang kanyang Tiyo Samuel na nagsalita at
nagtanguan ang mga lalaking dayuhan at ang isa sa mga ito ay nagladlad ng mga
papeles sa mesa at tinabihan iyon ng isang pluma. Muli, hinawakan siya ng
kanyang Tiyo Samuel sa bisig at inakay sa luklukang katapat ng mga papeles at
iniupo siya roon at inabot sa kanya ang pluma at hinawakan niya iyon at lumagda
siya sa mga papeles.
Pumikit siya. Ang sumalit na manipis na karimlan sa
kanyang isip ay nagluwa ng isang hubad na katawan, kayumangging katawan na
kilala niya sa tingin, langhap at dama. Parang matigas ang mukha, parang
naninisi at nagyuko siya ng ulo at matagal, naroon siya’t naghihintay wari ng
parusa ngunit ang kayumangging katawan sa kanyang harap ay parang bato, walang
kilos, walang tinig, walang init!
Hindi ko kasalanan, Ligaya! Napilitan lamang ako!
At siya’y umiyak.
Ang kayumangging katawan ay biglang nagkabuhay, lumapit
sa kanya at inabot siya ng saklaw ng init ng dugo nito at siya’y tumingala at
nakita niyang sa mga matang iyon na may luha. Nakikiramay sa kanya si Ligaya!
Yaon ay kagubatan ng mga kartelon. Nagsisigawan ang
maraming kabataang lalaki at babae, nagtutungayaw, nagmumura. Sa malapad na hagdanang
may maraming baitang, ilang pulis ang nakataliba, pinangangalagaan ang tatlong
malaki-ang-tiyang lalaki na naka-amerikana.
Ito’y para sa kabutihan natin. Kung ang kasunduang
parity ay hindi palulugitan, saan tayo magbibili ng ating mga produkto sa
mataas na halaga?
Nagsigawan na naman. Boooo! Boooo!
Itinaas niya ang kanyang dalawang kamay. Nangangatal
na mga kamay na waring may hawak na granadang handang pasabugin sa ibaba ng
hagdanang iyon, upang ang gusaling iyong tagapagtanggol ng dayuhang interes ay
gumuho.
Ibagsak ang mga imperyalista!
Nagsunuran ang mga kabataang lalaki at babae,
nagtungayaw. Boooo! Boooo!
May kaguluhan na sa dakong kaliwa ng hagdanan. Ilang
kabataang lalaki at babae na may dalang kartelonb ang nagtangkang pumanhik sa
hagdanan, hinahadlangan ng mga pulis, itinulak, hanggang sa isang babae ang
mangudngod at nang saklolohan ng mga nasa ibaba ay nanunggab ang mga pulis at
nagkaroon ng paghahamok.
Ibagsak ang mga imperyalista.
Parang mababanat ang mga litid sa leeg niya. Parang
hinahatak ng kung anong mga kamay sa mula sa itaas ang kanyang mga bisig.
Nagpatuloy siya sa pagsigaw, hanggang sa maramdaman niya na may dumaklot sa
kanyang likod. Napalingo siya.
Tiyo Samuel!
Hindi siya binitawan ng mga kamay na parang agila.
Binatak siya, papalayo sa karamihan, palabas sa kagubatan ng mga kartelon,
patungo sa isang makintab na limosinang nakaparada sa ibayo ng lansangan.
Isinalya siya sa loob ng sasakyan. Bumangga siya sa
katangan ng kamay ang kanyang baywang at nakadama siya ng kirot. Ang balisong
na nakasukbit doon ay waring umukab sa kaniyang laman.
Sa bahay!
Sumibad ang limosina, iniwan ang kagubatan ng mga
kartelon, ang gusaling sa pagkakatunghay sa mga kabataang lalaki at babae ay
parang isang matandang bingi sa mga sigaw.
Sa bahay, dinatnan niya roon si Ligaya.
Bakit ka narito, Ligaya?
Tumingin lamang si Ligaya sa kanyang Tiyo Samuel.
Waring takot ang mga mata ni Ligaya.
Bakit?
Ipinakaon ko siya.
Bumaling siya sa kanyang Tiyo Samuel. Nag-uusig ang
kanyang mga mata. Tinagos ang nakikita niyang kabuktutan sa kalooban nito,
nilulutas ang hiwaga ng pagpapakaon kay Ligaya.
May problema ka.
Ano’ng problema?
Nagdadalantao siya!
Napatigagal siya, pagkatigagal ng isang may naalala,
at sumibat ang kanyang tingin kay Ligaya at sinagad ang dakong puson at nang
makitang may umbok ay napalapit dito.
Totoo?
Muli, tumingin si Ligaya sa kanyang Tiyo Samuel.
Saglit na pagtinging humantong sa pagyuko, sa paghikbi, sa pagkaligalig ng
balikat.
Huwag kang matakot... pakakasalan kita!
Nilapitan siya ng kanyang Tiyo Samuel. Hinawakan siya
sa bisig at inilayo siya kay Ligaya.
Hindi? Bakit? May pananagutan ako sa kaniya!
Sapagkat siya’y hindi para sa iyo. Tingnan mo’ng
balat mo... mestiso ka... tingnan mo’ng balat niya... kayumanggi! Ano ang
sasabihin ng Papa mong namatay.
Pananagutan ko’ng nangyari sa kanya!
Wala kang pananagutan, Felipe. Aalisin natin ang
sanggol na ‘yan. Madaling alisin!
Nakarinig siya ng kaingayan, ng sigawan, ng takbuhan.
Nakarinig siya ng sipol ng mga sirena, nakarinig siya ng putok ng mga rebolber.
Umikot ang kaniyang paningin. Nasa liblib siya ng kagubatan ng mga kartelon,
nagigitgit ng dalawang pangkat ng mga lalaking nakauniporme, na may hawak na
mahahabang batuta at nakaamba at papatayin siya.
Hindi! Hindi!
Hindi na ang tinig niya ang kanyang narinig.
Libu-libong tinig ng mga kabataang lalaki at babae, tumututol, naghihimagsik. Parang
isang santinakpan ay biglang nagising, parang mga hinaing sa dibdib ay biglang
bumulwak at kumalat sa buong daigdig.
Liagay, umalis ka na! Ligaya, umalis ka na!
Sumigaw siya nang paulit-ulit na sigaw na bumatak sa
kanyang mga litid ng leeg at si Ligaya ay nanlabo sa kanyang paningin at ang
lahat ay umikot at siya ay tinangay at sa pagtatangka niyang pigilin ang
pag-ikot na iyon napahawak siya sa kanyang baywang at nagagap niya ang balisong
at napahigpit ang paghawak niya roon, hanggang sa iyon ay mahugot at sa
pag-ikot niya, ipinanghalihaw niya ang balisong na iyon, sapagkat may
nakabibinging halakhak na sumusunod sa kanya, sa pag-ikot at pagdilat niya ay
nababanaagan niya ang kanyang Tiyo Samuel, ang maluwang na bibig ay waring
isang hayok na bunganga ng dambuhalang sa ilang sandali pa ay lalagom sa
kaniya.
Mahigpit ang pagkakasapol, itinaas niya ang balisong
at sa isang kisapmata ay lumabas siya sa nag-uumikot niyang paningin at ang
patalim ay ibinaon niya sa dibdib ng humahalakhak niyang Tiyo Samuel.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.