Uri ng Panlapi
Ang pagkakabit ng panlapi sa isang salitang ugat ay isa sa mga paraan upang makabuo ng bagong salita sa wikang Filipino. Sa pamamagitan nito, nagkaroroon ng bagong anyo ang punong salita na nagtataglay ng bagong kahulugan o kaisipan.
Sa araling ito, ating malalaman ang iba’t ibang uri ng mga panlapi sa estrukturang Filipino.
Panlapi
Ang Panlapi ay isang di-malayang morpema sapagkat nagkaroroon lamang ito ng tiyak na kahulugan kung ikakabit sa salitang-ugat. Ito ay mga titik na inilalagay sa unahan, gitna, o hulihan ng salitang-ugat upang makabuo ng panibagong salita na maaaring magtaglay ng bagong kahulugan o konteksto.
Tingnan ang halimbawa kung
paano magbago ang kahulugan ng salitang ‘laro’ sa pamamagitan ng pagkakabit ng
iba’t ibang panlapi:
- pala- + laro + -an = palaruan (lugar kung saan naglalaro)
- mag- + laro = maglaro (kilos ng paglalaro na nasa aspetong pawatas)
- laro + -an = laruan (bagay na nilalaro)
Mga Uri ng Panlapi
Ang mga panlapi ay mauuri sa posisyon kung saan natin ito ikinakabit. Sa Filipino, mayroon itong 5 uri:
1. Unlapi
Ang mga unlapi ay mga panlaping ikinakabit sa unahan ng salitang-ugat. Ang ilan sa mga unlapi sa estrukturang Filipino ay mag-, nag-, pala-, sing-, ma-, at iba pa.
Halimbawa:
- nag- + laba = naglaba
- ma- + yaman = mayaman
- na- + wala = nawala
- pala- + kuwento = palakuwento
2. Gitlapi
Gitlapi ang tawag sa panlaping ikinakabit sa gitna ng salitang-ugat. Ang karaniwang gitlapi sa Filipino ay -um- at -in-.
Halimbawa:
- lakad + -um- = lumakad
- dalaw + -um- = dumalaw
- sulat + -in- = sinulat
- tapat + -in- = tinapat
3. Hulapi
Ang mga hulapi ay mga panlaping ikinakabit sa hulihan ng salitang-ugat. Ang karaniwang hulapi sa Filipino ay –an, -in, -han, -hin, -nan, at –nin.
Halimbawa:
- sama + -han = samahan
- kanta + -hin = kantahin
- dalaw + -in = dalawin
- tawa + -nan = tawanan
4. Kabilaan
Ang kabilaan naman ay mga panlaping ikanakabit sa unahan at hulihan ng salitang-ugat.
Halimbawa:
- na- + tuto + -nan = natutunan
- ka- + ibig + -an = kaibigan
- nag- + takbo + -han = nagtakbuhan
5. Laguhan
Laguhan naman ang tawag kung ang salitang-ugat ay kinakabitan ng panlapi sa unahan, gitna, at hulihan.
Halimbawa:
- mag- + dugo + -in- + -an = magdinuguan
- ipag- + sigaw + -um- + -an = ipagsumigawan
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.