Kayarian ng Salita
Likas sa ating wika ang pagbuo ng iba’t ibang salitang hango sa iisang punong salita lamang. Nagpatutunay ito ng pagiging malikhain at dinamiko ng wikang Filipino.
Sa araling ito, ating aalamin
ang iba’t ibang kayarian ng salita sa wikang Filipino.
Kayarian ng Salita
Ang kayarian ay tumutukoy sa anyo ng isang salita at sa iba pang yunit ng wika. Sa estrukturang Filipino, mayroong 4 na kayarian ng salita:
1. Payak o Salitang-Ugat
Ang payak o salitang-ugat ay mga salitang nasa pangunahin o pinakasimpleng anyo nito. Ito ang mga salitang hindi pa nababago, o nakakabitan ng panlapi o iba pang salita.
Halimbawa:
- araw
- sama
- ama
- laro
- ganda
2. Maylapi
Ang mga salitang maylapi ay mga salitang-ugat na kinakabitan ng panlapi. Maaaring ang panlapi ay unlapi, gitlapi, hulapi, kabilaan, o laguhan.
Halimbawa:
- unlapi – maganda, palasimba, katipan, nag-alay
- gitlapi – kumain, tumakas, sinulat, ginuhit
- hulapi – aralin, laruan, samahan, tuksuhin, simbahan, tawanan
- kabilaan – kaibigan, ipagsigawan, magtapatan, pagbatiin
- laguhan – pagsumikapan, magdinuguan
3. Pag-uulit
Ang pag-uulit ay mga salitang inuulit ang mismong buong salita o ang ilang pantig nito. Mayroon itong dalawang uri:
A. Di-ganap o Parsyal na Pag-uulit
Ito ay pag-uulit lamang ng ilang pantig ng salitang-ugat.
Halimbawa:
- gawa – gagawa
- kanino – kani-kanino
- takbo – tatakbo
- salungat – salu-salungat
B. Ganap na Pag-uulit
Ito ay pag-uulit ng buong salitang-ugat
Halimbawa:
- araw – araw-araw
- sino – sino-sino
- gabi – gabi-gabi
- sama – sama-sama
4. Tambalan
Ang tambalan ay mga salitang nabubuo sa pamamagitan ng pagsasanib o pagsasama ng dalawang salitang-ugat.
Halimbawa:
- bahag + hari = bahaghari
- puno + guro = punongguro
- kapit + bahay = kapitbahay
- dalaga + bukid = dalagang bukid
- agaw + buhay = agaw-buhay
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.