Kinagisnang Balon
ni Andres Cristobal Cruz
Sinasabing walang lampin sa purok ng Tibag na hindi nilabhan sa
tubig na sinasalok sa malalim, malaki't matandang balon.
Sinasabing walang nagluto ng pagkain at naghugas ng kinanan sa
Tibag na hindi gumamit ng tubig sa balong iyon.
Sinasabing walang naligo sa Tibag na hindi nagbuhos ng malinis at
malamig na tubig na siyang biyaya ng matatandang balong tisa.
Anupa't masasabing walang isinilang at inilibing na taga-Tibag na
hindi uminom o binindisyunan ng tubig na galing sa kanilang balon.
Kung iisipin, masasabi rin na ang buhay at kamatayan ng mga
taga-Tibag ay nasa balong iyon.
Mahalaga nga ang gayon, ngunit ang bagay na ito'y hindi nila
pinag-uukulang masyado ng pansin. Sa kanila, ang balon ay bahagi ng kanilang
buhay at kapaligiran, bahagi na ng kanilang mga kinagisnang alamat at mga
paniniwala't pamahiing imumulat nila sa kanilang mga anak, at imumulat naman na
mga ito sa susunod nilang salinlahi.
Walang nakatitiyak kung kailan hinukay ang balong iyon.
"Noon pang panahon ng Kastila," anang matatanda.
"Hindi pa kayo tao, nandiyan na 'yan," giit naman ng
iba.
At parang pagpapatunay, patitingnan ang mga tisang ginamit sa
balon. Kauri raw at sintigas ng mga ginamit sa pader ng Intramuros o kaya'y sa
mga pinakamatatandang simbahang katoliko sa Pilipinas.
Ipaglalaban naman ng iba na ang balon ay hinukay, o sa lalong
wastong salita ay ipinahukay ng mga may kapangyarihan noong panahon ng mga
Amerikano. Katunayan daw, maraming bayan sa Pilipinas, lalo na sa Luzon, ang
may mga balong katulad ng nasa Tibag. Kaya naman daw matatagpuan ang mga
ganitong balon sa labas ng mga matatandang bayan ay upang madaling masugpo ang
kolerang ilang beses nang kumalat sa buong kapuluan at umutas ng libu-libong
pagkukunan ng tubig ay nasa labas ng bayan, porlomenos, madali ang pagsugpo sa
kakalat na makamandag na kolera.
May kalabuan man, kung sa bagay, ang ganoong pala-palagay, wala
namang magagawa ang mausisa. Basta't iyon daw ang paniwalaan, tapos ang
kuwento!
Ganoon din ang ibubulyaw ng mga matatandang pikon kung kokontrahin
mo sila sa kanilang pananakot. Kung gabi raw na madilim, lalo na kung patay ang
buwan, may malignong lumilitaw sa may balon.
Magtago ka raw at sumilip sa likod ng mga punong kakawate, kung
minamalas ka, makikita mo na lamang at sukat ang isang pagkaganda-gandang babae
sa may balon. May inaaninaw daw itong mukha ng kung sinong katipang nalunod o
maaaring nilunod sa balon noong panahon pa ng mga Kastila. Minsan naman daw,
mga kung anu-anong hayop ang nagsisilabasan sa may balon at nag-uungulan.
At ano bang mali-maligno! Naisipan daw ng ilang kabinataan ang
magpahatinggabi sa likod ng mga punong kakawate. At ano ang natuklasan nila?
Ang nananakot ang siyang natakot. At nang magkabistuhan na, humangos daw itong
may kinakapkap na kung ano at hinabol ng mga nakatuklas. Hindi matapus-tapos
ang sisihan nang makasal nang di oras ang dalawang "maligno" na
walang iba kung di ang tanging biyudo't pinakamatandang dalaga sa Tibag.
Isa na iyon sa masasayang pangyayari sa balon ng Tibag. Sa may
balon naglalaba't naliligo ang mga dalaga't kababaihan. Kung naroon na ang mga
dalaga, panay naman daw ang hugas ng paa ng mga binata. Naroon na ang nakawan
ng tingin, mga patalinghagang salitang sinusuklian ng saboy ng tubig o mga
hindi natutuloy na pagbabantang magsumbong. Ang ingay ng mga batang
nagsisipaligo, ng mga balding pumapalo sa gilid ng balon, mga pigil na hagikgik
ng mga babae, harutan ng mga dalaga.
Marami ang makapagsasabi sa Tibag, ang buhay-buhay, tulad ng
matandang balon, ay siya na nilang kinagisnan, kinamulatan pa rin ng kanilang
mga anak at mamanahin pa rin ng mga anak naman nito.
Isa na sa mga makapagsasabi si Tandang Owenyong Aguwador. Siya
lamang ang aguwador sa Tibag. Ang ibang sumasalok, may pingga at balde, ay para
gamit lamang sa bahay. Gamit din sa bahay ang sinasalok ng mga dalagang
nagsusunong ng banga ng inumin, balde o golgoreta.
Hanapbuhay ni Tandang Owenyong Aguwador ang pag-iigib ng tubig.
Iniigiban niya ang ilang malalaking bahay sa Tibag at pinupuno din niya ang mga
tapayan o dram ng mga talagang nagpapaigib sa mula't mula pa. Ito ang mga
pamilyang kung nagpipista ay siyang pinakamaraming handa't bisita, mga nagiging
hermano o punong-abala sa mga komite de festejos. Ito rin ang ipinag-iigib ng
ninuno ni Tandang Owenyo.
Maglilimampung taong gulang na si Tandang Owenyo. Maiksi ang gupit
ng kanyang kulay abong buhok. Pangkaraniwan ang taas, siya'y laging
nakakamisetang mahaba ang manggas at kapit sa katawan. Matipuno at siksik daw
ang katawan nito noong araw.
"Ba't naman di magkakaganoon e sa banat ang kanyang buto sa
pagsalok n'on pa man," sabi ng iba.
"Di ba't 'yan 'kamo," dagdag ng ilan, "aguwador
din?"
"Di ba't ang Ba Meroy ay aguwador din?"
"Aba, siyanga, ano?"
Ang pangalan ng ama ni Tandang Owenyo ay Ba Meroy. Namatay ito
noong panahon ng Hapon.
"Pero 'ala pang giyera," pilit ng iba, "umiigib na
ang Tandang Owenyo."
Minana na niya ang opisyong iyan."
"E, si Nana Pisyang Hilot? Di ba't sa balon sila…"
"A, oo! Doon niligawan ng Tandang Owenyo si Nana Pisyang.
Ipagtanong mo."
"Labandera na noon si Nana Pisyang?"
"Labandera na. Ang ipinag-iigib ng Tandang Owenyo ang siyang
ipinaglalaba naman ng Nana Pisyang. Kaya nga maganda ang kanilang istorya,
e."
"Ang Da Felisang Hilot?"
"Aba, e labandera rin 'yon. Tinuruan naman niyang manghilot
ang kanyang anak. '"Yan nga si Nana Pisyang."
"Tingnan mo nga naman ang buhay."
"Sa Amerika ba, merong ganyan?"
"Pilipinas naman 'to, e! Siyempre dito sa 'tin, pasalin-salin
ang hanapbuhay."
"Mana-mana ang lahat."
"Si Ba Meroy aguwador, puwes, si Tandang Owenyong anak ay
aguwador din."
"At si Nana Pisyang ng Da Felisa, labandera."
"Pero si Nana Pisyang humihilot din."
"Ow, ano ba naman 'yon? Di naman araw-araw e me nanganganak.
Saka, bigyan mo na lang ng pangkape ang Nana Pisyang, tama na."
"Me pamamanahan na sila ng kanilang mga ikinabubuhay."
"Di nga ba't katu-katulong na ng Nana Pisyang sa paglalaba't
paghahatid ng damit ang dalagita niyang si Enyang? Meron na siyang
magsisiksgreyd."
"At si Narsing nila?"
“A, si Narciso ba? Sayang. Tapos ng hayskul, hindi na
nakapagpatuloy."
"Ow tama na 'yon. Tapos ka't hindi, pareho rin."
"Si Narsing ang me ulo. Laging me dalang libro e!"
"Sa library nga raw sa kabayanan nagbabasa't humihiram ng
libro."
"Minsa'y nakita kong may kipkip na libro. Tinanong ko kung
ano."
"E. ano raw?"
"Florante at Laura daw."
"Tingnan mo nga 'yan. Sayang na bata. May ulo pa naman."
"Balita ko'y ayaw mag-aguwador."
"Nahihiya siguro. Biruin mo nga namang nakatuntong na halos
sa kolehiyo at sa paaaguwador mapupunta. Ba't nga naman iyong iba. Karabaw
inglis alam e mga tente bonete na."
"Kayo, pala, oo! Para naman kayong bago nang bago sa
Pilipinas. Pa'no me malalakas na kapit 'yon!"
"Di aguwador din ang bagsak ni Narsing!"
NAGHIHIMAGSIK si Narsing. Ayaw niyang pumasan ng pingga. Totoo nga
na umiigib siya. Ngunit iyon ay para gamit lamang nila sa bahay. At gusto pa
niyang bitbitin ang dalawang balde kaysa gumamit ng pingga.
Sabi ng mga matatandang babaing naglalaba sa may balon, kung
magpingga lamang si Narsing mapagkakamalan daw itong si Tandang Owenyo noong
bagong tao pa ito. Iyon din ang palagay ng mga nagkakahig ng sasabungin ng mga
naghuhuntahan sa harap ng tindahang sari-sari sa tapat ng lumang kapilya.
Kung naririnig ni Narsing ang gayong sabi-sabi lalo lamang
sumisidhi ang kanyang paghihimagsik. At ito'y may kasamang malalim na
hinanakit.
Nagsasampay ang kanyang ina nang siya'y magpaalam isang umaga. Ang
apat na alambreng sampayan ay lundung-lundo sa bigat ng malalaking sinampay.
Hindi na nakita ni Narsing na ang sampayan ay nawalan ng laman, na ang damuhan
sa may gilid ng bakod na siit ay walang latag na kinula. Sa kabilang gilid ng
bakuran hanggang sa duluhang papunta sa bukid ay gumagapang ang kamoteng
putpot, na ang talbos ay naagad. May kapirasong balag na ginagapangan naman ng
upo.
Binigyan si Narsing ng kanyang inang Nana Pisyang ng konting
babaunin. Ito'y naipon sa paglalaba't sa pinagbilhan ng ilang upo at talagang
inilalaan para sa susunod na pasukan ng mga bata.
Nakituloy si Narsing sa isang tiyuhin sa Tondo, sa Velasquez. Sa
area, naglalakad siya't naghahanap ng mapapasukan… Kahit na ano, huwag lamang
pag-aaguwador. Nakaranas siya ng gutom, ngunit nagtiis siya. Kung anu-anong
kumpanya't pagawaan ang kanyang sinubukan. Pulos naman NO VACANCY at WALANG
BAKANTE, ang nakasabit sa mga tarangkahan at pintuan ng mga pinupuntahan niya.
Hindi lamang pala siya ang nabibigo. May nakakasabay pa siyang
madalas na mga tapos ng edukasyon at komers. Ang mga ito'y me dala pang sulat
na galing sa ganoo't ganitong senador o kongresman. Natatawang ibig maluha ni
Narsing. Binabale-wala na pala ng mga ito kahit na pirma ng mga pulitiko. Maski
siguro si Haring Pilato ang nakapirma, talagang walang maibibigay na trabaho
ang balanang puntahan ni Narsing.
Napadaan si Narsing sa isang malaking gulayan ng Intsik. Subukin
na nga 'to, sabi niya sa sarili habang pumapasok siya sa isang ektarya yatang
gulayan na binakuran ng mga alambreng matinik. Kinausap niya ang Intsik na
nakita niyang nagpapasan ng dalawang lalagyan ng tubig na tabla. Taga-alis ng
uod, magpala o magpiko sabi ni Narsing sa Intsik.
"Hene puwede," sagot ng Intsik, "hang lan akyen
tlamaho. Nahat-nahat 'yan akyen lang tanim, dilig."
"O, paano, talagang wala?" sabi ni Narsing at napansin
niyang tumigas ang kanyang boses. Para siyang galit.
"Ikaw gusto pala ngayon lang alaw, ha," sagot ng Intsik.
Nangingiti-ngiti. "Akyen gusto lang tulong sa 'yo.”
"O sige, ano?"
"Ikaw, kuha tubig, salok sa balon, dilig konti. Ikaw na
gusto?"
Ibinigay ng Intsik ang kanyang pinipinggang pinakaregadera.
Kinabukasan ng hapon nagpaalam si Narsing sa kanyang tiyahing nasa
Velasquez. Sumakay na siya ng trak pauwi sa kanilang bayan sa lalawigan, sa
Tibag. Pangkaraniwan na sa Tibag ang nabibigo sa paghahanap ng trabahong bago
at hindi minana. Habang daan ay inisip-isip niya kung paano niya maiiwasan ang
kanyang mamanahing hanapbuhay na halos pantawid-gutom lamang, ang isang
kalagayang pagtitiis mula sa umpisa hanggang sa katapusan, walang kamuwangan,
hirap, at laging nakasalag, kung hindi sa kabutihang loob ng ilan, sa
pagsasamantala naman ng marami.
Mabuti pa, sabi ni Narsing
sa sarili, hindi na 'ko nakapag-aral. Parang nabuksan ang kanyang isip at
guniguni sa sanlibu't sanlaksang kababalaghan ng kalikasan at sa maraming
paghahamon ng buhay na di niya maubos-maisip kung paano mapananagumpayan.
Magtatakip-silim na nang dumating siya sa Tibag. Dinumog siya ng
mga paslit na nagtatanong kung mayroon siyang dalang pasalubong. Wala, wala
siyang dala.
Ang sumunod sa kanyang si Enyang ay tahimik na nag-ahin ng hapunan
sa lumang dulang. Habang sila'y kumakain, naramdaman ni Narsing na naghihintay
ang kanyang ama't ina ng kanya pang isasalaysay tungkol sa kanyang paghahanap
ng trabaho sa Maynila. Ano naman ang maibabalita niyang hindi pa nila nalalaman
tungkol sa kahirapan ng paghahanap ng trabaho?
Inalok siya nang inalok at pinakakaing mabuti ng kanyang ina.
Animo'y nagkandagutom siya sa Maynila. Pasulyap-sulyap siya sa kanyang amang
nasa kabisera ng dulang. Nagpupuyos ang kanyang kalooban sa kanyang
nasasaksihan. Nag-aagawan ang mga paslit sa ulam. Tipid na tipid ang subo ng
kanyang ama't ina. Marami pa silang inom ng tubig kaysa sa subo ng kanin. Ang
ulam nila'y kamatis at bagoong na may talbos na naman ng kamote, isang mangkok
na burong mustasa at ilang piniritong bangus. Maya't maya ay sinasaway ng
kanyang ina ang mga batang parang aso't pusa sa pag-uunahan sa pagkain. Sa
buong Tibag, sila lamang marahil ang hindi halos nagkaroon ng mumo sa dulang.
Noong araw, hindi sila ganoon. Ngayon, kung magsabaw sila sa sinigang o minsan
sang buwan nilagang karne, halos sambalde ang ibubuhos na tubig para dumami ang
sabaw. Habang lumalaki't dumarami ang subo ng mga bata, dadalang naman nang
dadalang at liliit ang subo ng kanyang ama't ina. Siya man ay napapagaya na sa
kanila.
Ang ganoong tagpo ay kanyang pinaghihimagsikan. Katulad din iyon
ng kanyang paghihimagsik kung nasasaksihan niya ang kanyang mga kapatid na
palihim na waring nagsusukat ng mga damit na mahuhusay na ipinaglalaba't
ipinamamalantsa ng kanilang ina. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsk na
matapos na sa pag-iigib ng kanyang ama at napapansin niyang dumarami ang
kulubot sa ulo kung nakikita itong pasan-pasan ang pingga't dalawang balde na
animo'y isang Kristo sa pagkakayuko na ang paghihirap ay wala nang katapusan.
Noong gabing iyon. nagkasagutan sila ng kanyang ama. Nakaupo si
Narsing sa unang baytang sa itaas ng kanilang mababang hagdan. Nakatingin siya
sa duluhan ng bakuran. Iniisip niyang harapin pansamantala ang pagtatanim ng
gulay. Nalingunan na lamang niyang nakatayo ang kanyang ama sa may likuran
niya.
"Gayon din lamang," mungkahi ng kanyang ama sa malumanay
na boses, at ibig mong maghanapbuhay, subukin mong umigib."
May idurugtong pa sana ang kanyang ama, ngunit hindi na nakapigil
si Narsing. Malakas at pasinghal ang kanyang sagot.
"Ano ba naman kayo! Aguwador na kayo, gusto n'yo pati ako
maging aguwador!"
Napatigagal ang kanyang ama. Ang kanyang ina'y napatakbo at tanong
nang tanong kung bakit at ano ang nangyari.
Minumura siya ng kanyang ama. "Bakit?" wika nitong
pinaghaharian ng pagdaramdam at kumakatal ang tinig. "Ano ang masama sa
pag-aaguwador? Diyan ko kayo binuhay!"
Nakatayo na sana si Narsing, ngunit sinundan siya ng kanyang ama't
buong lakas na hinaltak at inundayan ng sampal. Parang natuklap ang mukha ni
Narsing, Itinaas niya ang isa niyang kamay upang sanggahin ang isa pang sampal.
Nakita niyang nagliliyab ang mga mata ng kanyang ama.
Sumigaw ang kanyang ina. May kasama itong iyak. Yakap siyang
mahigpit ng kanyang ina. Huwag daw siyang lumapastangan. Pati ang mga bata'y
umiiyak at humahagulgol na parang maliit na hayop.
Lumayo ang kanyang ama't iniunat ang katawan sa isang tabi ng
dingding na pawid. Dinig na dinig pa rin ang kanyang sinasabi.
“Nag-aral ka pa naman, sayang. Oy, kung me gusto kang gawin, sige.
Di kita pinipigil. Darating din ang araw na mararanasan mo rin… mararanasan mo
rin."
Kung anu-anong balita ang kumalat sa Tibag. Kung umiigib si
Narsing ng tubig para sa kanilang bahay hindi siya pinapansn ni binabati tulad
ng dati. Ganoon din ang kanyang ama. Waring nahihiyang magtanung-tanong ang mga
tao, ngunit hindi nahihiyang sa kani-kanilang sarili'y magpalitan sila ng
tsismis at mali-maling palagay.
ISANG linggo pagkatapos ng pagkakasagutan nilang mag-ama, ang
Tandang Owenyong ay nadisgrasya sa balon. Nadupilas ito at mabuti na lamang daw
at sa labas ng balon nahulog. Kung hindi raw, patay. Ang dibdib ng matanda ay
pumalo sa mga nakatayong balde at ito'y napilayan. Nabalingat naman ang isang
siko niya. Sabi ng marami ay nahilo ang matanda. Ang iba'y nawala sa isip niya
ang ginagawa.
Nilagnat pa si Tandang Owenyo. Ipinatawag na ang pinakamahusay na
manghihilot na tagaibayo. Nakikiigib ang mga iniigiban ni Tandang Owenyo sa
iba. Kailan daw ba iigib uli ang matanda. Walang malay gawin ang ina ni
Narsing. Ang kanilang dati nang malaking utang sa tindahan ni Da Utay ay lalong
lumaki sa pagkakasakit ng matandang aguwador.
Isang hapong umiigib si Narsing ng gamit sa bahay ay may
naglakas-loob na nagtanong kung magaling na ang kanyang ama. Bakit daw hindi pa
siya ang sumalok. Sayang daw kung ang kinikita ng ama niya'y sa iba mapupunta.
Hindi nanlilibak o sumasaring ang pagkakasabi noon. Iyon, sa
palagay na ni Narsing, ay patotoo sa paniwalang siya ang talagang magmamana sa
gawaing iyon ng kanyang ama.
KINABUKASAN, hindi nangyari ang inaasahang mangyari ni Narsing.
Hindi siya tinukso ni pinagtawanan at kinantiyawan. Nalapnos ang kanyang
balikat at magdamag na nanakit ang kanyang mga buto sa pag-aakyat-panaog sa mga
hagdang matatarik, sa pagsalin at pagbuhat ng tubig. Siya na ang umiigib.
Pabiling-biling si Narsing sa kanyang hinihigang sahig. Nakikita
niya ang malalayong bituin. Narinig niya ang mga mumunting hayop at ang alit-it
ng mga kawayang itulak-hilahin ng hangin. Sa malayo'y may asong kumakahol na
parang nakakita ng aswang o ano. Hindi siya nakatulog. Marami siyang iniisip.
Naalaala niya noong siya'y nasa hayskul. Bago siya maidlip, sa guniguni niya ay
nakita niya ang kanyang sariling kamukha ng kanyang amang animo'y isang
Kristong pasan-pasan ang pingga't dalawang balding mabibigat. Naisipan din
niyang taniman nang taniman ang bakuran nilang ngayo'y hindi na kanila't
inuupahan na lamang.
Maaga pa'y bumaba na ng bahay si Narsing. At siya'y muling umigib.
Mahapdi ang kanyang balikat. Humihingal siya't parang hindi na niya kayang
ituwid ang kanyang mga tuhod.
Noong hapon, naghihintay si Narsing ng kanyang turno sa balon.
Nagbibiruan ang mga dalaga't kabinataan sa paligid ng balon. May tumatawang
nagsasabing binyagan ang kanilang bagong aguwador.
"Binyagan si Narsing!" sigaw ng mga nasa paligid ng
balon, at may nangahas na magsaboy ng tubig.
0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.