Ad Code

DULA | Moses, Moses ni Rogelio R. Sikat

 Moses, Moses
Ni Rogelio R. Sikat


Halina't ating basahin ang dulang "Moses, Moses" ni Rogelio R. Sikat.


MGA TAUHAN

Regina Calderon - 48 balo, isang maestra

Tony - panganay niyang anak, estudyante

Aida - 18, anak niyang babae, estudyante

Ben - 16, bunso, estudyante

Ana - 46, matandang dalaga, kapatid ni Regina

Ang Alkalde

Ang Konsehal

Mga Pulis


PANAHON: Kasalukuyan


TAGPO:

“Apartment” sa lungsod sa Rizal, sa isang komunidad na masasabing “middle class”. Maraming bagong bahay dito, nakatayo sa mga loteng nabili sa murang presyo noong unang bahagi ng 1950 at ngayo’y nagkakahalaga na nang malaki sa pamilihan ng lupa. Tahimik dito, malayo sa daanan na pampasaherong sasakyan, mapuno at mahalamang hindi katulad ng ibang subdibisyon. Aspaltado ang malilinis na kalsada at may ilaw na mercury ang mga poste. Karaniwan nang ang naninirahan dito ay mga empleado ng gobyerno.


Sa sala at sa komedor ng aprtment na ari ni Mrs. Calderon mangyayari ang dula. Isa sa apat na pinto, malaki-laki rin ang apartment na ito, putiang pinta, yari sa mahuhusay na materyales, at sa unang malas pa lamang ay mahihinuha nang inilalaan sa mga makapagbabayad ng mataas. May pinto sa sala, kanan, kaharap ng gate, at sa kaliwa, sa may kusina. Luma na ngunit maayos pa ang mga kasangkapan parang inilipat mula sa isang lumang bahay. Sa sala ay may isang set ng upuan na nakatuntong sa isang alpombrang bumabagay sa pulang sahig; sa likod nito, kabinet ng mga libro na kinapapatungan ng isang flower vase, isang nakakwadrong retrato ng isang nakangiting dalaga na napaliligiran ng maliit at animo’y naglalarong mga piguring duwende at isang lampshade. May telibisyon sa sulo, malapit sa nakukurtinahang bintanang salamin.


Sa dingding na binarnidang plywood, nakasabit ang isang pares ng nairolyong pinturang Hapones: mga lumilipad na tagak sa ibabaw ng maiitim at payat na tangkay at mga dahon ng kawayan. Sa gitna, likuran, may hagdanang paakyat sa mga silid-tulugan, puti ang mga barandilya nito at sa iaas palapag, sa dingding ay nakasabit ang isang pandekorasyong seramiko na kinatitikan ng mga letrang Gotiko, ng mga salitang GOD BLESS OUR HOME.


Sa silid-tulugan, kaliwa ay may isang mesang paayon ang ayos at napapaligiran ng anim na silyang may matataas na sandalan. May kabinet sa likod ng mesa - lalagyan ng mga plato, kubyertos, mga itinatanging kasangkapan na ang paggamit ay karaniwan nang inilalaan ng mga may-bahay sa mga espesyal na okasyon. Nandito rin ang ilang de-latang pagkain at mga boteng gamot. Nakapatong sa kabinet ang isang bentilador. Di kalayuan sa mesa, malapit sa lababo, ay may isang repriheradora. Sa kabuuan, maayos at masinop ang apartment.


May mga alas-otso na ng gabi. Bukas ang ilaw sa sala. Nakaupo si Ben sa sopa, taas ang pinagsaklit na paa at tila yogang nagbabasa ng isang magasin. Nakakorto siya at iskiper na puti. Mahahaba ang kanyang biyas at sa katabaa’y may pagkabalingkinitan pa. Mahaba ang kanyang buhok, tulad ng uso sa mga tinedyer ngayon, at may kakisigan siya.


Bukas din ang daylight sa silid-tulugan. Nakaupo si Regina s akabisera ng mesa at umiinom ng kape. Sa kabilang dulo, nagpupunas ng kutsara ang kapatid niyang si Ana. Nagkahawig sila, bagama’t maraming salit na puting buhok si Regina. Nakaputi siyang dmait-pambahay, tila isang roba na tinalii sa harap, hanggang siko ang maluwang na manggas at hanggang sakong ang laylayan. Nakapusod siya, laylay ang ilalim ng mga mata, larawan ng isang babaing pinatigas ng mga hirap na pinagdaanan. Nakabulaklaking pambahay si Ana, may pagkamasayahin ang mukha, ngunit ngayo’y tila nag-aalala.


ANA: (habang nagpupunas) Kumusta ang hiningi mong bakasyon, Regina?


REGINA: (ibig magmalaki, ngunit walang sigla) Binigyan ako, puwede ba nila akong hindi bigyan.


ANA: Dapat naman. Sa buong pagtuturo mo’y ngayon ka pa lang magbabakasyon, ano?


REGINA: Ikalawa na ito. Noong namatay ang ama nina Aida, saka ngayon. Pupuwede akong hindi pumasok kahit ilang pa siguro, kahit isang taon. Marami akong naiipong bakasyon.


ANA: Biro mo namang mahigip dalawampung taon ka na yatang nagtuturo. Noong dalaga pa, hindi ba? Puwede ka nang magretiro.


REGINA: (sasandal) Sayang naman kung hindi ko matatapos ang aking serbisyo. Pero hindi ako papasok hangga’t hindi gumagaling si Aida.


ANA: Kung sabagay, kaya ko naman siyang alagaan. (Aayusin ang salansan ng kutsara). Ano nga pala ang sabi-sabihan sa eskwela? Siguro’y alam nila ang nangyayari?


REGINA: (pauyam) Alam. Pero ano ba ang maaasahan mo sa mga walang prinsipyong tao?


ANA: Sinabi mong tuloy rin ang demanda?


REGINA: (tatayo, lalakad sa repriheradora upang kumuha ng inumin) Oo. Bakit hindi ko itutuloy? Kahit ano pa nga ang kanilang sabihin. Dapat nga raw magdemanda, sobara naman daw talaga ang ginawa kay Aida, pero…


ANA: Nakapag-aral si Aida doon. Kilala siguro nila.


REGINA: (habang pabalik sa kabisera, dala ang baso ng inumin) Ang dipirensiya nga lang daw, mayor itong kalaban ko. Ano sa akin kung mayor? Ngayon ba’t “mayor” siya’y libre na ang kanyang anak? Wala raw mangyayari. Iba raw ang malakas ang nasa poder. Baka raw lalo pa tayong perwisyuhin. Kababata pa’y wala nang prinsipyo! Mga bagong tapos pa ng kolehiyo, mabuti pa iyong assistant principal namin, matapang. Ang sabi’y “Ituloy mo, Mrs. Calderon. You should really teach those people a lesson.”


ANA: (galit) Ituloy mo nga. Regina, nang madala. Sobra nang talaga ang anak ng mayor na iyan! Ang kailangan talaga riyan ay bitay. (Tatayo, ililigpit sa isang lagayan ang mga kutsara, pahablot na dadampot ng isang basahan.) Tutal, bitay din siguro ang ibibigay sa lalaking iyan. 


(Tatayo si Regina, tila nag-iisip na maglakad-lakad sa sala. Mapapansin niya si Ben na ngayo’y nakadapa at nagkukuyakoy ang paa sa hangin at nagbabasa.)


REGINA: Napakain mo na’ng aso, Ben?


BEN: (pagak ang boses, di iaalis ang tingin sa binabasa) Opo.


REGINA: (susulyap sa itaas ng hagdan, pagkuwa’y babalik sa komedor) Bakit ba naghahanap ng kordon si Tony, ha, Ana?


ANA: (nagpupunas sa may lababo) Maikli ang kordon ng ilaw niyang inililipat sa kwarto namin.


REGINA: Pabibilhin ko na lang siya ng isa pa bukas. Kailangan niya iyon sa pag-aaral, malabo ang kanyang mata.


ANA: Ibang-iba iyang siTony kesa do’n sa isa. (Ngunguso sa sala.) Tingnan mo, prenteng-prenteng nagbabasa. Hindi man lang tulungan iyon kapatid.


REGINA: Bata pa lang kasi si Ben.


ANA: Spoiled. Si Tony, noong ganyang edad, kumikita na, nagtitinda na ng diyaryo.


REGINA: Hindi si Ben ang spoiled, Ana. Baka ‘ka mo si Aida.  (Magbababa ng tingin na parang mali ang nasabi.)


ANA: Kung sabagay. (Ipapatong ang kanang kamay na may hawak na basahan sa sandalan ng isang silya.) Si Tony, pati nanliligaw kay Aida, kinikilatis na mabuti. Hindi na nagbalik iyong preskong kaklase yata ni Aida, ano? Iyong de-kotse? “Ano ba sa akin kung de-kotse siya,” sabi sa akin ni Tony. Sino nga ba iyon?


REGINA: (parang hindi siya pinapansin) Mababait silang lahat.


ANA: Si Tony, minumutyang talaga si Aida.


REGINA: Mapagbigay pa ‘ka mo sa mga kapatid. Hindi na baleng siya ang wala mayroon lang si Aida at Ben. Ang maipipintas mo nga kay Tony ay walang kibo.


ANA: Seryoso. Palaisip. Kaparehung-kapareho ng ama.


REGINA: May pagkaseryoso rin itong si Ben, pero hindi kamukha ng kuya niya. Si AIda - si Aida ang (parang mawawala sa sinasabi, mababasag ang boses) pinakamasaya.


ANA: (Mapapansin ang pagbabago sa mukha ni Aida, ngunit tutuloy pa rin.) Masasabi mong isip-bata si Aida. Inosente. Pero maganda. Maganda. Akalain ko bang gaganda ng ganyan ang anak mo, Regina. Natatandaan mo pa, noong sumakay siya sa karosa ng lantern parade sa UP noong nakaraang Pasko? Noong dalhin tayo ni Tony? Hindi ako makapaniwalang anak mo iyon at pamangkin ko iyon. Bakit nga’y di-jeans-jeans at pony-tail, pony-tail lang dito. Ang sarap ‘ka mo,namatay ang generator ng karosa! Di pinasinagan siya ng flashlight. Nakatingin kay Aida ang lahat, at siya’y ngumingiti, at nagyayabang, at nang-iinggit naman ang kanyang mga kaklase. Sa tingin ko ba noo’y para siyang nakaangat sa karosa. (Makikitang ibig maiyak si Regina.) Sino nga ba naman ang makapag-aakalang-


REGINA: (tutuwid ng upo, sa dingding nakatingin) Nangyari na iyan, Ana.


ANA: (pagkaraan ng ilang saglit, malungkot) Disiotso na siya sa Setyembreng ito, Regina.


REGINA: Limang taon na tayo rito. Natatandaan mo? Dito nag-birthday si Aida nang lumipat tayo.


ANA: At napapanaginip ko pa noon ang kanyang debut. At naisip ko na ang gagawin kong tahi sa damit niya.


REGINA: Ang nga naman.


ANA: (Nagpapahid ng matang isasauli ang basahan sa lababo.) Mabut pa sigurong hindi tayo umalis sa Gagalangin, Regina. Siguro, kung  hindi tayo llumipat dito-


REGINA: Sino ang makaalam na dito siya magkakaganyan?


ANA: Bakante ngayon ang itaas ng bahay doon.


REGINA: (nagpapaliwanag) Hindi ba dahil sa mga bata kung kaya tayo umalis sa Gagalangin? Gusto mo rin namang tayo’y umalis doon nang lumalaki na ang mga bata, ‘di ba? At nang malapit sila ‘ka mo ng eskuwela. Naisip kong umutang nga tayo at ipatayo natin ang apartment na ito - unang-una’y dahil diyan ang malayo nga sila doon. Pinaupahan na lang natin ang bahay doon. Hindi ba’t mas nagustuhan naman dito ng mga bata? Mas tahmik dito, hindi siksikan, mas-


ANA: Oo nga, Regina. Pero-


REGINA: Dahil sa pagtanda nati’y wala naman tayong makakasama - patay na rin lang ang ating mga magulang - naisip kong maaari na tayo dito. May apat na pinto tayo dito, tamang-tama, ‘ka ko. Magkaasawa man ang mga bata, magkaanak man sila, hindi rin tayo magkakalayo-layo. Tigmagkakawalay-walay. Ganyan ang naisp ko noon, Ana.


ANA: Aywan ko, Regina, pero kung minsan nga’y naisip kong kahit yata saan tayo pumunta, sinusundan tayo ng trahedya.


REGINA: Hindi naman sa tayo’y sinusundan, Ana. (Kukunot ang noo.) Mabuti pang sabihin mong dahil sa mga pagkakataon, o dahil sa mga kondisyon ngayon. Ibang-iba na talaga ngayon. Aywan ko rin, Ana. Aywan ko.


ANA: (Pagkaraan ng ilang saglit, malumanay na.) Naubos na nga pala ang gamot ni Aida, Regina. Iyong tranquilizer.


REGINA: Magpabili tayo. Sino ba’ng ating pagbibilhin? Si Tony?


ANA: Pabilhin mo na’t gabi na. Malapit na sigurong mag-alas-nuwebe.


REGINA: (tatawag) Gabi na pala.


ANA: Akala ko ba’y napapagod ka?


REGINA: (tatawag) Tony!


TONY: (sa itaas) Sandali po! Ikinakabit ko lang itong daylight.


ANA: (Nakaupo sa kabilang dulo ng mesa, may binibilut-bilot na sinulid ng basahan ang daliri.) Ano bang napapansin mo kay Aida?


REGINA: Ano’ng napapansin?


ANA: May pagbabago ka bang nakikita? Hindi ba parang lumalala?


REGINA: (bubuntong-hininga) Ang sabi naman ng doktor ay may shock pa siya hanggang ngayon. Totoo raw nasindak si Aida.


ANA: Kung sabagay. Medyo nawawala na ang mga marka ng dagok sa kanyang mga pigi. Talaga sigurong hindi ka makakabangon kapag dinagukan ka roon. Iyon namang sugat at galus-galos, magaling na. Ang ikinatatakot ko’y ang kanyang nerbiyos. Lalo siyang nagiging nerbiyusin yata. Lago kaya niyang naaalala ang nangyari sa kanya? Ganoon ba iyon? Hindi ba - may naloloka sa ganyan?


REGINA: Hindi naman siguro, Ana. Mahusay ang gamot na ibinibigay sa kanya ng doktor. At sabi sa ospital, magaling daw ang psychiatrist na tumitingin sa kanya. Talaga raw isa sa pinakamhusay dito sa Pilipinas, sabi-sabi rin Tony.


ANA: Naaalala ko kasi iyong kapitbahay natin sa Gagalangin. Iyon bang anak ng kapitan na dinadala sa V. Luna at ipina-e-electric shock. Namumuti raw talaga at umiikot ang tau-tauhan ng mata. Bumubula ang bibig. Pero iba naman siguro iyon.


REGINA: Tiyaga, tiyaga ang kailangan natin, Ana. Kaya hahabaan ko ang aking bakasyon.


ANA: (Maliwa-liwanag ang mukha.) Mahusay siguro iyong likidong tranquilizer na inihahalo ko sa pagkain niya. Biro mo, iyong tira niyang pagkain, sinubok kong ipakain kay Sultan noong isang araw. Nakatulog ang pobreng aso.


REGINA: Iyon naman daw ang kailangan, sabi ng doktor - ang humupa ang kanyang nerbiyos.


ANA: Ibinigay ni Tomy kay Aida ang maliit niyang ponograpo.


REGINA: Sa Linggo ang punta dito uli ng doktor. Malalaman natin sa kanya kung kailangan pang ipasok sa ospital si Aida o hindi. (maalala) Si Tony nga pala, iyong gamot. (tatawag) Tony! Di ibinigay ba ang kanyang turntable? 


(Mananaog si Tony, payat, di-nasusuklay ang buhok, lampas sa karaniwan ang taas, habaan ang mukha, naksalamin at mukhang matanda kaysa sa tunay na gulang. Lumang pantalon at maluwag ang manggas na polo set ang suot. May dakang plais at tape sa kordon.)


REGINA: Bumili ka ng gamot, Tony. Nasa tokador iyong pera.


TONY: Opo. (Ililigpit sa may ilalim ng hagdan ang plais at pandikit, pupunta sa repriheradora at kukuha ng inumin. Tiyak at tila laging pinag-iisipan lagi ang kilos.) Nauuhaw si Aida.


ANA: (Pagkapanhik ni Tony, naghihinala.) Ilang beses ko nang napapansing lumalabis ng gabi ang Toning iyan. Di mo ba napapansin?


REGINA: Hindi.


ANA: Iyong lagay na iyon siguro’y palakad na.


REGINA: Ugali lang talaga niyan ang maglakad. Di nga ba sabi mo kangina’y palaisip?


ANA: Oo nga. Pero gabing-gabi na kung umuuwi kung minsan. Susi ang ginagamit.


REGINA: Baka naman nagpupunta lang sa kaklase niya riyan sa kabilang kanto?


ANA: (kukumpas) Aywan ko. Si Ben tanungin mo. Sila’ng magkakuwarto. Kaya lang, nag-aalala ako. Alam mo na ngayon, baka makatuwaan iyan.


(Isang sasakyan ang hihinto sa tapat ng apartment. Mairinig ang pagkalapak na pagsasara ng pinto ito, ang pagkahol ng aso.)


REGINA: (kay Ana) Sa atin ba iyon?


(May babatinting sa pintuang bakal.)


ANA: Tingnan mo nga Benjamin.


(Lalabas si Ben. Sa may gate maririnig ang boses-matandang tanong na “Nariyan ba si Mrs. Calderon? At ang mababa at pagak na “Opo, sino po sila?” ni Ben. Nakatayo sina Regina at Ana sa tabi ng mesa, nakatingin sa labas.)


ANA: (Makikilala ang dumating.) Si Mayor, Regina! May kasama.


REGINA: (magugulat) Ano kayang kailangan?


ANA: (kinakabahan) Baka aayusin ka.


BEN: (papasok) Gusto raw kayong makausap, Inay.


ANA: Bakit daw?


BEN: Aywan ko po.


REGINA: (pagkaraan ng pagbabantulot) Papasukin mo.


(Lalabas si Ben.)


ANA: (kay Ana) Anong ayos-ayos.


(Papasok ang alkalde, maitim, katamtaman ang taas, may katabaan, hagod sa batok ang tintina at walang partidang buhok, may mahigit nang 50 taon, naka-polo sert na guhitang pula, bukas ang butones sa itaas. Kasama niyang papasok ang isang naka-polo barong na lalaki, may kaputian, maliit, mataas ang gupit, nakasalamin, parang nakaismid, at ang mata’y nag-uusisa agad sa pinasok na apartment.)


ALKALDE: (Itataas ang kaliwang kamay, bahagyang yuyukod.) Good everning.


REGINA: Magandang gabi ho naman.


ALKALDE: Napasyal kami, Misis.


REGINA: (Bantulot na ituturo ang upuan.) Maupo ho kayo.


ALKALDE: (bago maupo) Misis, ang kasama ko nga ho pala’y si Konsehal Collas, Atty. Collas.


(Bahagyang tatango ang konsehal. Mauupos ila. Mananatiling nakatayo si Regina. Nasa silid-kainan si Ana, nakahilig sa barandilya ng hagdan si Ben.)


ALKALDE: (nakatingin kay Ben) Anak ho ninyo?


REGINA: Oho.


ALKALDE: (humahangang nakatingin kay Ben) Guwapo. At listo. Listong bata. Hindi basta nagpapasok. (Mahihiyang pupunta si Ben sa silid-kainan at doon mauupo, kasama si Ana. Mapapansin ng Alkalde na nakatayo si Regina.) Maupo naman kayo, Misis. Kami ho naman ni Konsehal ay ngayon lamang napadalaw dito sa inyo.


KONSEHAL: Siyanga naman, Misis. 


(Mauupo si Regina.)


ALKALDE: (lilinga-linga) Magandang apartment ito, a. Tingnan mo ang Japanese Printing nila, Konsehal. Di ba ganyan ang nakuha mo sa Tokyo?


KONSEHAL: Masinop ang apartment nila, Mayor.


ALKALDE: Ito ang sasabihin na comadre mo na cozy. (kay Regina) Malaki siguro ang upa ninyo, Misis sa apartment na ito.


REGINA: Sa amin ho ito, inaakupa lang namin ang unang pinto.


ALKALDE: (tatawa) Dispensa, Misis! Dispensa. An honest mistake. Tingnan mo nga naman, Konsehal, sa kanila pala ito.


KONSEHAL: Must have gotten a loan from the GSIS.


(Mananaog si Tony, magugulat pagkakita sa Alkalde, pagkaraa’y parang walang nakitang tutungo sa komedot upang kunin ang sapatos, mananatili siya sa komedor. Samantalang nakatingin sina Ana at Ben sa nag-uusap, ipapatong niya ang mga kamay sa mesa, nakakunot-noong kakatok-katukin ng daliri ang slamin niyon. Manaka-naka lamang siyang lilingon sa sala.)


ALKALDE: (nakatingin kay Tony) Anak din ninyo, Misis?


REGINA: Siya ho ang panganay.


ALKALDE: Marunong na tipo. Scholarly type, wika nga. Law siguro ang kinukuha, Misis?


REGINA: (kanina pa nagtitimpo) A.B. ho, sa UP.


ALKALDE: (magugulat) UP! Taga-UP rin pala, Konsehal. Pareho kayo. Ako ho, Misis - bakit ho ba nasasabi ito’y hindi naman naitatanong? - ay sa Francisco Law College lamang ang hgradwado. (Tatapikin ang konsehal.) Walang kuwentang eskuwelahan. Kung sabagay, doon nagtapos si Carlos P. Garcia, ha, Konsehal? (Magtatawanan sila,) Buweno, buweno, ang ibig kong sabihi’y isa sa mga hindi natupad na ambisyo ko iyang makapag-aral sa UP. Marunong ang anak ni Misis, Konsehal.


KONSEHAL: Maestra kayo, Misis, a- Calderon?


REGINA: Oho.


ALKALDE: Saan naman kayo nagtuturo?


REGINA: Sa Torres High School, sa Maynila.


ALKALDE: (magugulat) Paano ho naman ang nangyari’t dito kayo-


REGINA: Narito ang aming apartment. May bahay kami sa Gagalangin pero pinauupahan namin. Grocery ang silong.


KONSEHAL: Mukhang familiar sa akin ang Calderon. Saan kayong probinsiya, Misis?


REGINA: Lehitimo ho akong taga-Maynila. Ang mister ko ho’y taga-Nueva Ecija.


KONSEHAL: You are now a - widow?


(Tatango si Regina.)


ALKALDE: Buweno, kami ho’y medyo ginabi, Misis, dahil nanggaling pa kami sa squatter area diyan sa may highway. (nakatawang iiling) Wise din naman ang mga lider niyon ngayo’t alam na eleksiyon sa Nobyembre ay saka magrerepresentasyon sa akin, huwag ko raw silang ipatapon. May nakikiusap na riyan, may umiiyak na diyan, at ako naman (kukumpas) mahabagin nga siguro ako ay wala nang nagawa. Paano ka pa makakatanggi niyon?


REGINA: Marami ring botanter roon, Mayor?


ALKALDE: Ha-ha-ha! Hindi naman, Misis, hindi naman! Ang lagay naparaan nga kami roon, kaya ginabi kami sa pagsasadya sa inyo.


REGINA: (Titingnan siya nang tuwid.) Para ipaurong sa akin ang demada, Mayor?


ALKALDE: (magkikibit-balikat) Para - para tayo’y magkausap.


KONSEHAL: (magsisindi ng sigarilyo) Ang totoo niyan, Misis, si Judge Jouaquin ang nagmungkahing magkausap kayo, na kung ako ang tatanungin, ay siyang pinakamabuti ninyong gawin. Iyan naman ang sinabi ng inyong compadre, di ba, Mayor?


REGINA: Mahusay pala kayong magpalaman sa mga salita, Konsehal.


ALKALDE: (maagap) Misis, kami’y naparito, unang-una’y para magdiskargo. Alam kong mabigat itong aming inilalapit sa inyo, kaya naman ako’y makumbabang naparito sa inyo upang- upang wika nga’y ihingi ng tawad ang ginawa ng aking anak.


REGINA: (Susukatin siya ng tingin.) Akala ba ninyo’y makukuha sa paghingi-hingi ng tawad ang ginawa ng inyong anak?


ALKALDE: (iiling, nakangiti) Alam ko, alam ko, Misis.


REGINA: Ganoon pala’y bakit hindi natin ipaubaya sa husgado?


ALKALDE: Si Misis–


REGINA: Kayo ba’y may anak na babae, Mayor?


ALKALDE: (nakangiti pa rin) Alam ko ang itatanong ninyo. Mayroon. Tatlo. Paano kung isa sa kanila ang ginawa iyon?


(Nakangiting maiiling ang konsehal.)


REGINA: Paano kung ang pinakamamahal ninyo sa tatlong anak na iyan ay ginahasa ang aking anak?


ALKALDE: Natural namang maramdaman ko ang katulad ng nararamdaman ninyo ngayon, Misis.


REGINA: Hindi ko itinatanong kung ano ang mararamdaman ninyon. (malakas) Ano ang gagawin ninyo? (Kukumpas sa kawalang maisagor ang Alkalde. Sa itaas, tatawag si Aida, “Inay, Inay!”) Tatahimik ba kayo? Magdedemada ba kayo? Ano ang gagawin ninyo? Kung sabagay, sino nga ba naman ang matapanag na mangangahas na – Mayor kayo. Pero halimbawang kayo ang nasa katayuan ko?


KONSEHAL: (Sasaluhin ang alkalde.) Sa ganitong anggulo natin tingnan, Misis, umabot na rin lang sa ganito. Malinaw kong nakikita ang inyong punto. Ngayo’y kauumpisa pa lamang ng kaso. Di ba ninyo inaalala ang inyong anak? Kung itutuloy ninyong talaga ang demanda, ang kauna-unagang gagawin para mapatunayang ginahasa siya ay ang ipaeksamen siya. Hindi mo maiaalis sa abugado ng kabila na hingin iyan ipaeksamen siya.


ALKALDE: (sasang-ayon) Kawawa rin ang inyong anak, Ang ibig kong sabihi’y –


REGINA: (sa konsehal) Para patunayan kung siya’y ginahasa o hindi?


KONSEHAL: (Iduduldol sa ash tray ang sigarilyo.) Para patunayan kung siya’y ginahasa o hindi.


REGINA: Kung hindi kayo kumbinsidong ginahasa nga ang aking anak ay bakit narito kayo?


ALKALDE: Para – para huwag na ngang umabot diyan, Misis.


REGINA: Legalismo ninyong mga abugado!


KONSEHAL: Wala tayong magagawa, Misis. (bahagyang tatawa) Ganyan talaga.


REGINA: Tusuhan, patalinuhan, pasinungalingan, diyan, diyan, kayo magaling!


KONSEHAL: Sa ilalim ng batas, walang kasalanan ang isang tao hangga’t hindi siya napapatunayang nagkasala.


REGINA: Magandang dahilan ninyong mga abugado!


KONSEHAL: Hindi ba kayo naaawa sa kanya? Hindi ba ninyo inaalala ang kanyang kinabukasan? Sa kasalukuya’y hindi pa masyadong bulgar ang nangyari per–


REGINA: Mababando rin na ang anak ng mayor ang gumahasa sa kanya!


KONSEHAL: (ngingiti-ngiti) Hindi kayo praktikal, Misis.


REGINA: Anong hindi praktikal?


KONSEHAL: Halimbawa nang napatunayang nagkasala ang anak ni Mayor – halimbawa lamang iyan – halimbawa nang napatunayang nagkasala siya, na aywan ko kung kailan, siguro’y tayo na rin mismo ang maiinip – ano naman ang inyong makukuha?


REGINA: Hustisya.


KONSEHAL: Hustisya. (iiling) Ang tingnan ninyo’y ang panig ng inyong anak. Iyan ang isipin ninyo.


REGINA: (nagpupuyos) Halos labingwalong taon mong pinalaki, inalagaan, kung maaari’y ipakatago-tago mo, pinakaingat-ingatan mo, at pagkataos, pagkatapos, nag-aabang lamang ng bus pauwi galing sa eskuwelahan ay bigla na lamang aagawin ng anak ninyo, dadalhin sa motel, sasaktan doon, paglalaruan, pag-aaliwan! Isasakay sa taksi, pauuwiin, halos hindi makagulapay. At pagkaraan niyan, pagkaraan niyan paparito kayo sa aki’t sasabihin ninyong ako’y maging praktikal.


KONSEHAL: (namamayapa) Nariyan na tayo, Misis, nariyan na tayo.


REGINA: Hindi babaeng damputin ang anak ko. Makakaalis na kayo. Hindi ko iuurong ang demanda. Kung sa inyo ang sinasabi ninyong huwes, sasabihin ko sa aming abugadong hilinging malipat sa ibang huwes.


KONSEHAL: (banayad) Hindi rin ganyan lamang iyan, Misis. Saan at kanino ililipat? Dito rin. Ngayon, sino sa mga huwes dito ang kaalyado ni Mayor? Kung nakapagme-mayor siya ng labingdalawang taon, malamang pang maging labing-anim —


REGINA: (napapaiyak) Kayo nga ang hari dito.


KONSEHAL: Hindi siya ganoong napakahina para hindi maalis ang sinumang kalaban niyang huwes. Ayaw ko sanang sabihin ito pero alam ninyong pulitiko rin ang nakapaglalagay sa huwes? Sino ngayon ang nakapaghuwes nang hindi lumalapit sa pulitiko? Nasaan naman ang mga naging huwes dito na hindi naging kaalyado ni Mayor? Iyong isa, nasa Palawan, iyong isa, nasa Mindoro. Dudulog kayo sa itaas? Sino ang nasa itaas? Pulitiko? Ilang boto ang maaaring ibigay — sa kanya ni Mayor? Makikisama sila!


REGINA: Kayong masasamang pulitiko!


KONSEHAL: (nakatawa) Masamang pulitiko. Ganyan ang buhay ngayon, Misis. May nakita na ba kayong anak ng kongresista na kanilang nagalaw? Anak ng senador? Anak ng gobernador? Anak ng mayor?


REGINA: (napupuyos) Tama, pumatay man kayo’y hindi kayo nagagalaw!


KONSEHAL: Ay, Misis. Be practical.


ALKALDE: (dudukot sa bulsa ng polosert at may ilalabas na sobre) Alam kong malaking perwisyo ang nagawa ng aking anak sa inyo — ibig kong (ilalagay sa mesita ang sobre) tanggapin ninyo ang kahit kaunting tulong na ito.


KONSEHAL: That check is for ten thousand. Pay to cash. Be practical.


REGINA: (Sasampalin ang alkalde.) Akala ba ninyo’y mabibili ninyo ako? Layas! Layas!


(Nababaghang tatayo ang alkalde at konsehal. Dadamputin ng konsehal ang sobre. Lalapit si Tony)


ALKALDE: (Hindi makapaniwala. Nakangiti ngunit ngani-nganing sampalin si Regina.) Sa buong buhay ko, Konsehal, ngayon pa lang ako nasampal. Pero hindi bale. (kay Regina) Dinadaan ko kayo sa pakiusapan pero gusto ninyong magkademonyuhan. Pasensiyahan tayo. Ituloy ninyo!


(Lalabas ang dalawa, ang alkalde’y nagmumura. Sa labas, maririnig ang pagsibad ng kanilang sasakyan. Mapapaupo si Regina. Nakatayo sa harap si Tony, nakaupo at nakamasid si Ben.)


REGINA: (humihingal) Akala ng mga taong iya’y sila ang batas.


TONY: (galit ngunit matimpi) Sa kasalukuya’y sila nga, Inay.


REGINA: (nanginginig) Lalabas din ang katotohanan at mananaig ang katarungan.


TONY: Iyan ang itinuturo ninyo sa government.


REGINA: Mananaig din ang katarungan.


TONY: Kay gandang sabihin! Justicia o justicia poetica? Hustisyang talaga o hustisyang diyos-ko-bahala-ka-na?


REGINA: Kailangang maputol ang ganito!


TONY: (malakas) Paano?


REGINA: (parang giniginaw) Nanginginig ako. (Sa itaas, maririnig ang mga pagtawag ni Aida at ang pag-aalo ni Ana. Papanhik si Ben.) Hindi ako titigil hangga’t hindi siya nabibilanggo!


TONY: (Kinuyom ang palad.) Tatlo lamang ang nagkakaroon ng hustisya dito sa atin. Iyong malalakas, iyong makapangyarihan, iyong mayayaman. Kung simple kang tao, mahina ka. Kung mahirap ka, lolokohin ka, tatakutin ka, [asensiya ka, magtiis ka. Kadalasang nagkakasama-sama pa iyan: lakas, kapangyarihan, yaman.


REGINA: (Tutop ang mukha) Wang kuwenta sa akin magkaubos-ubos man ang ating kabuhayan!


TONY: (patuya) Sasayanin ninyo ang minana ninyo’t pinaghirap-hirapang ipundar. Sa paningin ng ating batas, hindi magkakapantay ang lahat! Ang demanda ninyo, sapagkat ang idedemanda ninyo’y malakas, ay mananatiling demanda lamang.


REGINA: Susulat ako sa magasin, susulat ako sa lahat ng diyaryo. Isusulat ko ang lahat at natitiyak kong tutulungan nila ako, pakikinggan nila ako!


TONY: (parang hindi siya pinapakinggan) Ang demanda ninyo’y kamukha lamang ng kung kayo’y nasusukol sa binggit ng bangin at malaki pa ang agwat ng kabilang pampang na kailangan ninyong talunin. Alam ninyong sa pagtalon ay hindi ninyo maaabot ang kabilang pampang, pero pinipili’t pipilitin din ninyong tumalon. Tatalon kahit alam na alam ninyong kayo’y mahuhulog. Bakit pa kayo magdedemanda?


REGINA: Sasabihin ko sa kanila ang lahat. Pakikinggan nila, Tony. Kapag nalaman nila ang lahat. Tony, ito na ang pagkakatao natin sa hustisya.


TONY: Hustisya!


REGINA: (nabuhayan ng loob) Tingnan mo, Tony. Palagay ko nga’y ako at si Aida ay sadyang pinili ng Diyos para rito. Makinig ka. Kung sa anak ng mahirap na iskwater niya ginawa iyon, tatahimik lamang sila. Lulunukin na nila ang kanilang dignidad at siguro’y kanila pang tatanggapin ang pera. Ngayon, kung sa anak-mayaman naman niya ginawa iyon, magdadalawang-isip ang magulang, mahihiya silang mabulgar ang nangyari. Hindi nila iibiging masira ang kanilang reputasyon! Tatahimik din sila. Nagkamali sila, Tony, nagkamali sila. Lalaban ako, lalaban ako!


TONY: Ang ipanlaban ninyo sa napakalakung bato’y ang inyong mga kuko.


REGINA: Kay laki ng ipinagbago mo, Tony. Paano ang ibig mong mangyari? Huwag nang lumaban, iurong na ang demanda?


TONY: Mula nang mapatay si Itay sinasabi nating nabaril siya, para siguro mabawas-bawasan ang lagim, pero ang totoo’y pinatay siya. Sinimulan ko nang isipin kung ano ang batas na nararapat sa akin. Kung sino ang dapat magpatupad niyon, kung ano ang hakbang na nararapat nating gawin. At sa lahat ng libro’y sa Bibliya ko pa nakita ang sagot. Naglalakad ako minsan — pagkaraan ng nangyari kay Aida — nang maalala ko ang sinabi ng ama ni Itay noong araw na iyon ng libing. “Kapag buhay ang inutang, buhay din ang magiging kabayaran”, na para bang may sisingil para sa kanya – o para sa atin – ang inutang buhay ni Itay. Naisip ko, ito’y hindi isang pamahiin, hindi isang kasabihan, ito’y isang simpleng batas, isang kautusan o kahatulang inihabilin ng Diyos kay Moses sa itaas ng bundok sa gitna ng kulog, ng kidlat, ng usok at ingay ng pakakak. Sapagkat hindi ba sinabi sa Exodus na “buhay sa buhay”. Ito bang nangyari kay Aida’y masahol pa ang pagkamatay? Ngayon, ito ang mga kahatulang nararapat nating sundin: “mata sa mata, ngipin sa ngipin, apoy sa apoy, sugat sa sugat, latay sa latay”. Ito ang aking gagawin. Gaganti ako. Ako ang gaganti sa kanya.


REGINA: Gagating paano?


TONY: Papatayin ko siya.


REGINA: (manghihilakbot) Tony!


TONY: May isa pa kayong hindi nalalaman, Inay. Diyan sa abangan ng sasakyan minsan, nang ako’y papuntang eskwela, isinakay ako sa jeep ng dalawang bataan ni Mayor. Jeep iyon ng mga pulis, at ang nagsakay sa akin ay parehong pulis. Nagpaikot-ikot kami, nasa gitna nila ako. Sabi nila’y itigil daw ninyo ang kaso, o —


REGINA: Mga banta! Banta!


TONY: Isa iyan sa pinakakaraniwang nilang ginagawa. Hindi lamang sila ang gumagawa niyan. Pero ang kinatatakutan ko’t ang kalalabasan ng inyong demanda, ng inyong paniniwala sa hustisya.


REGINA: Kung hindi pa ako maniniwala’y ano pa ang aking mahihintay?


TONY: May kuwento tungkol kay San Agustin tungkol sa paniniwala. Naglalakad daw si San Agustin sa tabing-dagat at tinutuklas ang misteryo ng Divina Trinidad. Habang nag-iisip at naglalakad, mayroon daw narinig si San Agustin na parang hanging nagbulong sa kanya: “Agustin, ang ginagawa mong pagtuklas sa misteryong iyan ay kasinghirap ng pagsalok mo ng tubig sa buong dagat sa iyong palad. Pananalig, paniniwala, iyan ang kailangan mo.” Ang hustisya ba rito sa ati’y isang misteryo? Alam nating lahat na ito’y hindi hustisya, at alam natin kung bakit ito hindi ganito. Wala naman tayong misteryong dapat tuklasin kung bakit nananalig at naniniwala pa tayo!


REGINA: Lawakan mo ang iyong pagtingin, Tony. Ang ikinagagalit mo’y hindi lamang sa mga personal na karaingan.


TONY: Lawakan! Ang kay Itay ay isa lamang sa matagal at laganap nang kawalang-katarungan!


REGINA: Darating ang hustisya, Tony.


TONY: Kailan? Gaano katagal? Sa anong paraan? Ang paghihintay nati’y magkakatulad lamang ng ginawa nating paghihitay sa kaso ni Itay. Ano ang nangyari sa kaso niya? (Mapapayuko si Regina.) Natatandaan ko pa, disisais anyos ako, nasa Gagalangin tayo. Naghahapunan tayo. May tumawag kay Itay. Alam natin na mula nang madiskubre niya ang di paglilista ng trak-trak na tabakong inilalabas sa bodega ay pinagbantaan siya, daang libong piso ang halaga ng mga ipinupuslit. Pero matapang si Itay, hindi siya napatakot. At nang gabi ngang iyo’y lumabas siya, kumpiyansa, matapang – ni hindi isinukbit ang sarili niyang baril. Nag-usap sila sa labas at nang nagkakainitan na’y napalabas tayo. At narinig natin ang mga putok, bagsak si Itay, takbo sa nakaparada nilang jeep ang tatlo. Nakuha ko ang numero ng jeep at natunton ang mga nagsigamit niyon. Nadiyaryo tayo, kung ilang araw tayong nasa peryodiko. Umasa tayong mahuhuli at makukulong ang mga nagsibaril kay Itay – hanggang sa pumasok ang isang pulitiko. Ano pang nangyari pagkaraan niyon? Unti-unti na silang nawalan ng interes sa kaso, hindi na naging pursigido ang nag-iimbestigang pulis. Third year high school ako noon, at sa kauna-unahang pagkakataon, naisip kong ang hustisya pala’y ganito. Hanggang ngayo’y nasa akin pa ang clippings ng mga diyaryo noon, itinatago ko. Duguan ang retratong kuha ni Itay.


REGINA: Nakaraan na iyon, Tony.


TONY: Hindi pa ba kayo nadadala? Hanggang ngayon ba’y naniniwala pa kayo?


REGINA: Ano ang silbi ng aking itinuturo kung hindi ako maniniwala? Kaya kong magretiro anumang araw ngayon pero nagtuturo pa rin ako – siguro’y sa nais kong makatulong sa paglikha ng mabubuting mamamayan. Ituturo mo sa kanila ang katarungan ngunit ikaw mismo ang hindi naniniwala rito. Bubuo ka ng mahuhusay na mamamayan ngunit ikaw mismo ay hindi modelong mamamayan. Naniniwala ako, Tony. At maghihintay ako.


TONY: Mahuhulog kayo sa pampang!


(Mula sa itaas, bababa si Ana. Nasa mukha niya ang kawalang malamang gawin.)


ANA: (sa hagdan pa lamang) Ninenerbyos na naman si Aida, Regina. Nanlalamig mula pa kanina. Parang takot na takot. Nakabili na ba ng gamot?


REGINA: (maaalala) Ang gamot nga pala. Sino ang bibili?


ANA: Akala ko ba’y si Tony?


(Iiling-iling na papanhik si Tony.)


REGINA: Hindi ba puwedeng ipagpabukas na ang pagbili? Ano’ng oras na ba?


ANA: Mag-aalas-onse na siguro. Mayroon namang botika riyang hindi nagsasara. Kailangan ni Aida, Regina. Hindi siya mapapahinga kapag hindi nakaimnom. Maaaring makasama pa sa kanya. Sa linggo kamo’y pupunta rito ang doktor.


REGINA: Gabi na, Ana.


ANA: (nagpapaubaya) Nasa iyo iyan, Regina. Pero si Aida — (Mananaog si Tony.) Eto na si Tony.


TONY: (patungo sa pinto) Lalakad na ako.


REGINA: Magtaksi ka na.


ANA: Umuwi ka kaagad. Kailangan ni Aida iyan.


REGINA: (pagkalabas ni Tony, parang gaping-gapi) Kinakabahan ako, Ana.


ANA: Sa pagkapunta rito ni Mayor? Intindihin mo iyon?


REGINA: Kay Tony, Ana. Ibang-iba na siya ngayon. Ang mga pinagsasabi niya! (Mapapakumpas na lamang si Ana. Mananaog si Ben.)


BEN: Umalis na ang kuya?


REGINA: Oo. Bakit?


BEN: (parang takot) May dala siyang baril.


REGINA: Baril?


BEN: Huwag ko raw sasabihin sa inyo. Sa malaking kahon sa ilalim ng kama niya kinuha.


REGINA: (hindi makapaniwala) Saan kukuha ng baril iyon?


BEN: Baril, Inay. Kitang-kita ko.


REGINA: (Sasapuhin ang mukha.) Diyos ko, ano kaya ang kanyang gagawin? (Tatayo ngunit tutop ang ulong mapapaupo.) Sundan mo kaya, Ben. Sumndan mo kaya, Ana.


(Lalabas si Ben.)


ANA: Siguro naglalabas ng gabi iyan.


REGINA: Anong ginagawa?


BEN: Hinahanap ang anak ng mayor. Hindi ko na siya nakikitang nag-aaral kung gabi. Baka hindi na siya maging scholar sa susunod na semestre.


REGINA: (galit) Nalalaman mo pala’y hindi mo sinasabi?


BEN: Kung isasama ako ng kuya’y sasama ako.


REGINA: Ang aking mga anak! Ang aking mga anak! 


(Sandaling mananatili si Ben sa harap ng ina, naaawang nakatingin dito, tila nagsisisi sa sinabi. Pagkaraa’y malungkot siyang papanhik Papatayin ni Ana ang ilaw sa komedor.)


ANA: (papalapit kay Regina) Hindi ko sila masisisi, Regina, lalo pa nga’t pagkaraang marinig ang pinagsanib ng alkalde at konsehal. Ang hustisya’y hustisya lamang, kung madali itong naibibigay at naibibigay nang pantay-pantay. Papanhik na ako. (sa hagdan) Pumanhik ka na rin. Iwan mo nang bukas ang ilaw. (aakyat ilang baitang) Halina, Regina. Matulog ka na, ikaw nga ang pagod. (Tutuloy nang umakyat si Ana. Sa itaas, maririnig ang bilin niya, “Ben, abangan mong pagdating ng kuya mo.”)


(Mananatiling nakaupo sa sala si Regina, nababaghan, hindi makapaniwala. Pagkakuwa’y kikilos siya, tatayo, maglalakad-lakad, nakayuko at magkadaop ang palad. Mauupo siyang muli pagkaraan. Sa kanyang harap, magkaraan ng ilang saglit makikita niya si Tony.)


TINIG NI TONY: Walang mangyayari sa demanda ninyo, Inay.


(Mag-aangat ng mukha si Regina.)


TINIG NI TONY: Alam ko na ang aking gagawin. Gaganti ako. Papataying ko siya.


REGINA: (nagugulumihanan) Tony!



TABING


Sa pagbubukas ng tabing, makikitang nakaupo si Regina, nakapikit, naiidlip, ang isang kamay ay nasa katangan ng upuan at nakasapo sa noo, ang isa’y nasa kanyang kandungan. Sa labas, maririnig ang manaka-nakang pagdaraan ng taksi. Sa labas din, maririnig ang pahagok na ingay ng trak na nangongolekta ng basura at ang pagkala-kalantog ng mga inihahagis na lalagyan ng sukal.


Mula sa itaas ay bababa si Aida, nakaputing damit-pantulog, nakalugay ang buhok at nakatapak. Nakikita niya ang naiidlip na ina ngunit hindi ito gigisingin. Tutuloy siya sa komedor, bubuksan ang ilaw at may hahanapin sa kabinet. Matatabig niya ang isang bote ng gamot, ito’y mababasag. Magigising si Regina.



REGINA: (parang naalimpungatan) Sino iyan? (Lalabas, makikita si Aida na nakadukdok sa mesa.) Aida!


AIDA: (mahina) Ang gamot, Inay?


REGINA: (maalala) Si Tony? Wala pa?


AIDA: Bakit po?


REGINA: Bumili ng gamot. Anong oras na ba?


AIDA: Pasado alas-dos na po siguro.


REGINA: (kinabahan) Umaga na. Saan kaya nagsuot ang Antoniong ito. (mauupo, gulo ang mukha) Sinabi namang agahan at kailangan —


AIDA: May nabasag po akong bote.


(Walang kibong kukunin ni Regina ang walis na tambo at dustpan, at dadakutin ang basag na bote. Patingkayad siyang mauupo at puputulin ang ilang bubog.


AIDA: Hindi ako makatulog, Inay.


REGINA: (Iniligpit ang dinampot.) Gusto mo ng gatas?


AIDA: (tatango, nanlalambot na nakatingin sa lumapit na ina) May dugo kayo, Inay.


REGINA: (pagulat) Saan?


AIDA: Hayan.


REGINA: (Titingnan ang damit, ang mga kamay.) Saan?


AIDA: O, akala ko’y may dugo sa inyong palad.


REGINA: (Ikakaskas ang kanang palad sa damit.) Wala.


AIDA: Akala ko’y mayroon.


REGINA: (naguguluhan) Ano ba ang gagawin ko? A, gatas. Gatas nga pala.


(Pupunta sa may kabinet, kukuha ng termos. Sa repriherdora, kukuha ng gatas.)


AIDA: (nakadukdok pa rin sa mesa, nakatingin sa dingding) Lagi kong naiisip ang luma nating bahay, Inay.


REGINA: (Dala ang gatas.) Ano ‘ka mo?


AIDA: Ang ating lumang bahay, lagi kong naiisip ‘ka ko.


REGINA: Bakit?


AIDA: (nakasandal na ngayon, bahagyang tatango) Aywan. Basta lagi ko lang naiisip. Parang gusto ko pang naroon tayo. Parang natatakot ako dito.


REGINA: (nakatingin sa palad) Bakit ka naman matatakot dito?


AIDA: Sabi niya’y huwag raw tayong magsusumbong. Hindi ako natatakot kung ako. Pero baka kayo o si Ben o si Kuya. Buti pa ako. Kung ano-ano ang naiisip ko, Inay. At kasa-kasama ng aking napapanaginip. Naparito raw siya at kanyang mga kasama. Marami silang dalang baril. Nasa eskuwela kayo, may pinuntahan si Tiya Ana at pumasok si Ben. Kaming dalawa ni Kuya ang naiwan. Nakakatakot, Inay. Pinaupo nila sa mesa si Kuya, nakapaligid sila at siya’y may inaabot na bote ng lason kay Kuya. “Sinabi ko na sa iyong huwag magsusumbong, nagsumbong ka pa rin,” sabi niya kay Kuya. “Kaya inumin mo ito—” iniaandot niya ang bote ng lason— “inumin mo!” At – at nagmamakaawa ako sa kanya. “Pasensiya na kayo,” sabi ko, “pasensya na kayo sa kapatid ko.” “Anong pase-pasensya,” sabi niya, “nagsumbong siya. Inumin mo!” At ininom ni Kuya ang lason, Inay.


REGINA: (Aaluin ang anak.) Iyang gatas, Aida. Huwag mong isipin iyan.


AIDA: (Ibaba ang baso.) Kay bait pa naman ni Kuya kung sa kanya gagawin iyon.


REGINA: Hindi nila gagawin iyon. Hindi nila aanuhin ang kuya mo.


AIDA: Huwag naman sa nilang sasaktan, ano, Inay?


REGINA: Oo, hindi nila sasaktan.


AIDA: (nagpapahid ng labi) Ang bait-bait pa naman ni Kuya.


REGINA: Mahal na mahal ka nga niya.


AIDA: (malumanay na) Noon, noon naisip ko kung – kung pipili ako ng mapapangasawa, ang pipiliin ko’y kamukha niya. Mabait siya at mapag-alala. Aywan ko, pagkaraan si Itay siya na ang para kong naging ama. Hindi ba’t parang siya naman talaga, ha Inay?


REGINA: (balisa) Oo. (mapapatingin sa may pinto, mahina) Saan kaya nagpunta itong Toning ito?


AIDA: Anong sinasabi ni Kuya tungkol sa nangyari?


REGINA: (parang mabibigla) Wala, wala namang sinasabi.


AIDA: (mangingiti) Kung pumapasok siya sa kuwarto at kinakausap ako, nahuhuli kong tinitingnan niya akong mabuti. Medyo nalalaglag pa ang salamin sa kanyang ilong. Ang lalom niyang tumingin. Sabi lang no Tiya Ana’y pangit ang nakakunot-noo, pero sa tingin ko, bagay pa nga kay Kuya. (Uubusin ang laman ng baso.)


REGINA: Siya, siya, panhik ka na.


AIDA: (kikilos) Kayo?


REGINA: Hihintayin ko siya. Ano na kayang oras?


AIDA: Umaga na.


REGINA: Umaga na?


(Papanhik si Aida. Maiiwan sa komedor si Regina, may nakalaylay ngayong mga hibla ng buhok sa noo. Nakatayo siya, wala na ang antok, parang namamalik-matang nakatingin sa pinto.)


(Isang taksi ang pasagadsad na hihinto sa kanilang tapat. Mapapasugod si Regina sa pinto. Kakalapag ang pinto ng taksi. Iingit ang pintong bakal. Lalabas si Regina.)


REGINA: (sa labas) Tony! Ano’ng nangyari sa iyo?


(Papasok sila, halos yakap ni Regina si Tony sapo ang duguang kaliwang balikat. Mapapaupo si Tony sa sala, hawak ni Regina.)


AIDA: (makakaramdam sa itaas) Kuya?


REGINA: Ano’ng nangyari sa iyo?


(Sesenyasan siya ni Tony na huwag maging maingay.)


TONY: Aalis tayo irto, Inay. Dali! Gisingin ninyo sina Ben.


AIDA: (sa itaas, pakalabog na babangon at manggigising) Tiya Ana! Ben! Ben!


TONY: Sa Nueva’y ‘cija, sa mga kamag-anak na magsasaka ni Itay. Sa Tarlac, sa Pampanga, sa bundok.


REGINA: (matatag) Hindi, Tony. Hindi tayo aalis. Susuko ka.


TONY: Inay!


REGINA: (Kakapkapin kay Tony ang baril) Bigay mo sa akin ang baril.


TONY: (Pipigilin ang kamay ng ina.) Kailangan ko ito, Inay. Tiyak nila akong papatayin. Madali silang makagagawa ng dahilan.


REGINA: (Aagawin ang baril at ipapaloob ang baywang ng damit niyang pambahay.) Susuko ka, Tony.


TONY: (tumututol) Inay, Inay —


REGINA: Ibang krimen kaysa sa nangyari kay Aida.


TONY: (magugulat) At ako’y kriminal?


REGINA: Pinatay mo siya.


TONY: “Huwag ninyong sasaktan ang sinumang balo o ulila sa amang bata,” habili ng Diyos kay Moses. “Kapag sila’y inyong sinaktan sa anupamang paraan at silang lahat ay tumawag sa akin, ang panawagan nila’y tiyak kong diringgin. At ang poot ko’y maglalatang, at kayo’y papatayin ko sa tabak.” Naglalantang ang poot ng Diyos sa masasamang kamay na uamagaw at humahawak ngayon ng kanyang tabak! Sasabihin ninyong ako’y kriminal? Saan, paano, kanino ako hihingi, hahanap at makapagtatamo ng katarungan? Sino ang magbibigay? Inay, ang kidlat ng Diyos ay ihahagis ng kamay ng naaapi at ang tabak ng hustisya ay itataga sa lipunan ng mga pinagkaitan ng katarungan.


(Maliban sa panginginig at abot-abot na paghingal ni Aida ay matahimik silang lahat. Sa labas, maririnig na ang mga sirenang papalapit.)


TONY: Nariyan na sila! (Tatayo, magpapalinga-linga)


REGINA: (nakasunod) Susuko ka, Tony.


(May sisigaw sa labas ng “Calderon, napapaligiran ka na namin. Sumuko ka.”)


REGINA: (kay Ben) Buksan mo ang pinto, Ben. (Bubuksan ni Ben ang pinto.) Maayos siyang susuko. Halikayo, narito siya.


(Bunot ang mga baril, papasok ang mga pulis, karamiha’y nakauniporme, ang ila’y nakasibilyan at may mga taling panyo sa ulo.)


REGINA: Hayan siya. (Ituturo si Tony na nakatayo sa may komedor.)


(Papasok ang alkalde, bunot ang baril. Itututok nito ang baril kay Tony ngunit matatabig ni Regina. Sa dingding tatama ang bala.)


REGINA: Maayos siyang susuko, Mayor. Hayan, nariyan ang aking anak, arestuhin ninyo.


(Pagtutulong-tulungan ng mga pulis si Tony. Malakas na mapapatili si Aida. Pagkabaliti kay Tony, may kakadyot dito, may sisipa, may papalo, may dadagok. Mapapaluhod si Tony, at makalawang makapagpapaputok si Regina bago maagaw ng isang pulis ang kanyang baril. Babagsak si Tony.)


ALKALDE: Bakit mo binaril?


REGINA: (hawak ng dalawang pulis) Kapag sinaktan ng ibang bata ang ating anak, at tayo’y walang magawa sa nanakit sa kanya, di ba ibubuhos natin ang parusa sa ating anak? Ang sabi ninyo’y aarestuhin ninyo ang aking anak, ano ang inyong ginagawa?


PULIS 1: Inaaresto!


REGINA: Inaaresto!


PULIS 2: Dadalhin namin sa presinto!


REGINA: Dito pa lamang ay pinapatay na ninyo!


PULIS 3: Kalokohan!


PULIS 1: Paano’y nanlalaban!


REGINA: Nanlalaban!


PULIS 2: Resisting arrest! Ha-ha-ha!


PULIS 1: Nagtatangkang tumakas!


REGINA: O! O!


ALKALDE: Pinatay niya ang aking anak!


REGINA: Kayo ang batas kapag inyong anak!


PULIS 1: Dadalhin namin sa husgado!


REGINA: Husgado, anong husgado?


PULIS 2: Bakit ba marunong ka pa sa husgado?


PULIS 3: Sa hustisya!


REGINA: Hustisya! Hustisya! Alam ba ninyo ang kahulugan ng hustisya? Kayo, Mayor, alam ba ninyo ang kahulugan niyan?


(Ubod-lakas siyang sasampalin ng alkalde at siya’y babagsak. Mapapayakap sa kanya si Ben.)


PULIS 1: Posasan iyan.


PULIS 2: Masyadong makatuwiran!


REGINA: (umiiling) Hindi ninyo nalalaman, Mayor, ang kahulugan niyan. Hindi niyo nalalaman. (malakas) Kayo, lahat kayo, hindi ninyo malalaman ang kahulugan niyan!


PULIS 3: Binaril mo ang sarili mong anak!


PULIS 1: Parricide!


ALKALDE: Pananagutan mo ito.


REGINA: Pananagutan mo ito.


PULIS 2: (Hihiklatin si Ben kay Regina.) Halina! Halina! Sa presinto!


PULIS 3: Sa presinto!


PULIS 1: Doon ka makipagdebate.


ALKALDE: Dalhin ninyo!


REGINA: (napoposasang ilalabas) O, dalhin ninyo ako kahit saan. Sa presinto, sa korte, sa husgado, kahit saan! Dalhin ninyo kahit saan. Pananagutan ko ang pagkamatay ng akong anak. Ako ang pumatay sa aking anak! (papalakas) Pinatay ko ang aking anak! Sasabihin ko sa lahat na pinatay ko ang sarili kong anak. Pinatay ko ang aking anak!


(Lalabas sila. Maiiwan sina Ana, Ben, at Aida. Kapuwa nakatingin sa bukas na pinto sina Ben at Ana, sinusundan ng tingin ang mag nagsilabas. Nakalupasay sa isang tabi si Aida at umiiyak. Nasa kanyang kinabagsakan si Tony.)


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento