Kahapon, Ngayon at BukasNi: Aurelio Tolentino
(Dula ng Himagsikan)
MGA TAUHAN
Inangbayan (Pilipinas)
Dilat na Bulag (Espanya)
Bagongsibol (Amerika)
Masunurin (Babaeng Pilipina)
Tagailog (Ang Katagalugan)
Matanglawin (Gobyernong Kastila)
Malaynatin (Gobyernong Amerikano)
Asalhayop (Mapaglilong Tagalog)
Dahumpalay (Mapaglilong Tagalog)
Haringbata (Haring Intsik)
Halimaw (Prayle)
Walang Tutol (Lalaking Pilipino)
Mga taong bayan, mga Hukbong, Tagalog, mga Hukbong Intsik, Kapisanan ng Cruz Rojang babae, bandang musika ng Hukbong Tagalog, mga Kaluluwa ng nangamatay sa labanan, ang Haring Kamatayan, Rehimiyento ng Artiller, Infanteria, at Ingeniena
BAHAGI I
(Isang bakurang may sagingan at iba pang halaman sa tabi. Sa gitna ay isang balag.)
Labas 1
(Asalhayop at mga taong bayan. Nangakahanay ang babae sa kanan at ang mga lalaki naman sa kaliwa. Nangataas ang kanang kamay nilang lahat, na tumatangan sa kopang ginto. Masasaya ang anyo nila.)
(Asalhayop, Masunurin, Walang Tutol, mga taong bayan)
Walang Tutol: Mag-inuman, magsayawan.
Koro: Ipagdiwang.
1.o: Mapala ang kanyang buhay.
1.a: At lumawig habang araw
2.o: Habang araw.
Walang Tutol: Dangal niya’y huwag dadalawin ng siphayo’y ng hilahil.
2.a: Huwag dadalawin.
3a: Dangal niya’y magluningning sa ligayang sasapitin.
Koro: Magluningning.
Masunurin: Madlang puri, madlang biyaya sa kaniya’y sumagana.
Koro: Sumagana.
3.a: Madlang yaman, madlang tuwa sa kaniya’y lumawig nawa.
Koro: Lumawig nawa.
Asalhayop: Katoto’t giliw, mga kaibigan, sa inyo’y salamat nang habang buhay. Ang iyong nais na tungkol sa akin ay aking biyaya sa sasapitin. Kayo ang dangal ko, at kayong tunay ang tanging suhay sa aking buhay.
(Lalapitang isa-isa ni Asal ang mga Koro at ipipingki sa kani-kanilang kopa ang kaniyang hawak.)
Mag-inuman, magsayawan, mag-awitan, limutin ang kalumbayan.
Koro: Mag-inuman.
(Anyong iinumin ng lahat ang laman ng kani-kanilang kopa. Biglang lalabas si Ina at si Tag. Magugulat ang dadatnan. Titigan sila ng kagulat-gulat ni Ina.)
Labas 2
(Sila rin, Inangbayan, Tagailog)
Inangbayan: Mga walang loob,
mga walang damdam,
bago’y nagluluksa
ang kawawang bayan.
Mga walang puso,
mga walang dangal,
nahan ang pangakong
kayo ay dadamay
sa mga pumanaw?
(Tatawa nang malakas si Asalhayop at ituturo si Inangbayan.)
Inangbayab: Asalhayop!
Asalhayop: Masdan ninyo si Inangbayan,ang buwisit at mangagaway.
(Magtatawanan ang Koro.)
Humayo ka, Inangbayan, huwag sabihin ang patay.
(Magtatawanan ang Koro.)
Koro: Mag-inuman.
(Anyong iinumin ang laman ng mga kopa.)
Inangbayan: Huwag! Huwag lagukin, huwag ninyong mainom ang hinahawakang alak na may lason.
(Magtatawanan ang Koro.)
Ang inyong kaluluwa ay malilinggatong, kayo’y isusumpa ng mga panahon.
(Magtatawanan ang Koro.)
Mainit pang tunay sa mga buruhan ang bankay ng inyong nuno at magulang.
(Magtatawanan ang koro.)
Hayo at mag-isip ng tinutunguhan, hayo at bakahin ang mga kaaway.
(Mahabang tawanan nina Asalhayop at ng Koro.)
Koro: Magsayawan.
(Iinumin ni Asalhayop at ng Koro ang laman ng mga kopa. Tititigan sila nang kagulat-gulat ni Ina.)
Inangbayan: Mga walang kaluluwa! Ang inyong mga kasayahan ngayon ay pagdustang tunay sa libingan ng ating marangal na lipi. Ano? Hindi baga ninyo nararamdaman sa ibutod ng inyong mga puso ang lamig ng kamatayan ng bayan? Hindi baga kayo nangahihiya sa sarili, ngayong kayo nangagsasayahan sa ilalim ng talampakan ni Haringbata ang magiging anak ni Hingiskang?
Asalhayop: Mahusay manalumpati ang ating ina, ang mangangaway.
Inangbayan: Asalhayop!
Asalhayop: Bigyan ako ng kaunting alak.
Koro: Kami man.
Inangbayan: Ako man.
Asalhayop: Kita ninyo? Kita ninyo’y huminging kusa, pagkakitang hindi natin siya alintanahin? Magaling na talaga si aling Inangbayan.
Asalhayop: (Kay Inangbayan) Heto ang alak na alay ko sa iyo. (Bibigyan siya ng isang kopa.) Mag-inuman!
(Itataas ni Asalhayop at Koro ang kanilang mga kopa.)
Walang Tutol: Mabuhay si Asalhayop!
Koro: Mabuhay!
Inangbayan: Sumpain nawa ni Bathala ang hindi magsisi sa paglapastangan sa araw na ito! Ito ngang tunay na araw ng kamatayan ng mga tagapagtanggol ng bayan. Ito ang araw ng pagkalugso ng ating kahambal-hambal sa Balintawak. Sumpain nawa ni Bathala ang hindi magsisi! Tapos puso ko yaring sumpa, at sa katunayan ay… ayan!
(Ipupukol sa lupa ang kopang hawak.)
Asalhayop: Inangbayan!
(Biglang lalapitan ni Asalhayop at tatampalin, Si Inangbayan ay mabubuwal, kasabay ng pagtawa ng Koro.)
Asalhayop: Manggagaway!
(Kasabay ng tampal at tawanan. Kasabay ng pagsakal sa kanya at pagtindig ni Ina.)
Walang Tutol: Huwag! Bitawan mo. Asalhayop.
(Bibitawan.)
Inangbayan: Asalhayop, paglapastangan mo sa akin ay nahulog sa Apo, sa kamay ni Mandagaran, ang taksil mong kaluluwa. At kayong mga nakianib sa kanya, kayong mga anak kong pinakamamahal, ay nangahawa na mandin sa kanyang sawing palad. Dinudusta ninyo sa libingan ang dangal ng inyong mga nuno.
Ah! Hindi ko inakala kailan pa man, na kayo’y hindi ko maihahalubilo sa mga angkang nagkalat dito sa Dulong-Silangan.
Mga anak ko, mga bunsong pinakaiibig, kayo’y nangaligaw. Panumbalikin ninyo ang inyong mga loob, pagsisihan ninyo ang paglapastangan sa akin at sa dakilang araw ng pagkalugso ng bayan. Kapag nilimot ninyo ang araw na ito ay lilimutin din ninyo ang libingang luksa ng inyong mga magulang.
Kayo’y nangabulag na lubos. Buksan ninyo ang inyong mga mata.
(Biglang itataas ang tabing. Lilitaw ang mga libingang may mga pangalang sulat sa panahong una at may mga sabit na luksa at sari-saring putong.)
Ayan at tanawin ninyo sila!
(Mangangaluhuran sina Tagailog at Koro at mangangahulog sa kanilang kamay ang mga kopang hawak, tanging hindi lamang si Asal at tatalikdan ang mga nasabing libingan.)
Sa mga libingang iyan ay nalalagak ang mga buto nina Gat-Salian, Bituin at laksa-laksang iba pang bayaning kawal ng bayan.
Oh! Yayamang nilapastangan ninyo ang araw na ito at ang mga libingang iyan; yayamang dinudusta ninyo ang dakilang pangalan ng inyong mga nuno; yayamang inilublob ninyo sa pusali ng kapalamarahan ang banal na kasulatan ng ating maharlikang lipi, ay ipagpatuloy na ninyo ang inyong baliw na kasayahan, ipagpatuloy na ninyo, mga bunsong ginigiliw, ngunit pakiusap ko lamang, na doon sa ibabaw nila, sa ibabaw ng mga libingang iyan, ay doon kayo mag-inuman ng alak, doon kayo magsayawan at mag-awitan, doon ninyo sambilatin at yurakan iyang mga laksang sabit, doon ninyo huwag tugutang libakin ang inyong sariling dangal.
(Tatangis at marahang lalakad na tungo sa mga libingan.)
Mga bunsong pinakamamahal! Paalam ako sa inyo! Paalam ako sa inyo!
(Mahuhulog na muli ang dating tabing.)
Labas 3
(Sila rin, wala lamang si Inangbayan)
Tagailog: Mga kapatid ko! Oh! Ano’t kayo’y nangalumbay? Dahil baga sa pag-aalala ninyo sa nalugsong buhay ng bayan sa araw na ito? Ah, tunay nga! Sapul noon hanggang ngayon ay dalawampung taon nang singkad, dalawampung taong pagkakaalipin. Ngunit huwag. Ngayo’y nahahanda nang lahat kapag kayo’y umayos sa aking mga panukala…
Koro: Magsabi ka!
Tagailog: Ibig baga ninyong bawiin sa kamay ng kaaway itong bayang sinamsam nila sa kamay ng ating mga magulang?
Koro: Ngayon din.
Tagailog: Tayo na’t magsandatang lahat.
Koro: Tayo na.
(Aalis na lahat, matitira si Asalhayop.)
Labas 4
(Asalhayop)
Asalhayop: Mga mangmang!
Ang mga taong ito ay may mga walang pinag-aralan. Mabuti pa ang aso, mabuti pa ang kalabaw, mabuti pa ang hayop kaysa sa kanila, sapagkat ang mga hayop ay nabubuhay at marurunong magsipamuhay, ngunit ang mga taong ito ay hindi.
Nangatahimik ang mga magulang. At ano? Kung ipanghiganti ko baga sila ay manga bubuhay pa kayang muli? Babawiin daw ang kalayaan ng bayan. At bakit pa? Mabuti ang may salaping alipin kaysa mahirap na laya. Mga hangal!
Mabuti nga.
Hahanapin ko ang mga Intsik, hahanapin ko si Haringbata at aking sasabihin sa kanya ang lahat ng nangyari. Salapi na naman ito!
(Aanyong aalis. Lalabas si Haringbata.)
Labas 5
(Asalhayop, Haringbata, mamaya’y Inangbayan)
Haringbata: Asalhayop.
Asalhayop: Ako po’y sumasayapak mo, dakila’t marangal na Haringbata.
Haringbata: Salamat.
(Lalabas si Inangbayan, at manunubok sa tabi ng tabing. Hindi siya makikita ng dalawa.)
Asalhayop: Ako po sana ay talagang paparoon sa inyong bahay at may nasang sabihing malaking bagay.
Haringbata: Ano yaon?
Asalhayop: Si Tagailog at lahat niyang kasama, na pawang kapatid niya’t kapatid ko rin ay kaaalis din po dito ngayon. Mangagsasakbat ng sandata at kayo po ay babakahin.
Inangbaya: (Mapaglilo!)
Haringbata: Tunay?
Asalhayop: Tunay po.
Haringbata: At bakit daw?
Asalhayop: Ibig daw po nilang mabawi ang kanilang kalayaan.
Haringbata: Mga masiging! At saan nangaroon?
Asalhayop: Ewan po, hahanapin ko sila at pakikialaman ko ang kanilag lihim, upang maipagbigay alam ko po sa inyo at mangahulog sa inyong kamay.
Inangbayan: (Buhong!)
Haringbata: Salamat. Talasan mo ang iyong mga tainga’t mata. Heto ang salapi mong bayad.
(Bibigyan ng salapi.)
At kung mangahulog na sila sa ilalim ng aking kapangyarihan ay dadagdagan ko pa iyan, at bibigyan kita ng katungkulang mataas.
Asalhayop: Salamat po.
Haringbata: Hihintayin kita ngayong gabi sa aking bahay, at ipagbigay alam mo sa akin ang lahat nilang panukala. Heto ang tandang ilalahad mo sa taliba upang ikaw ay papasukin.
(Bibigyan siya ng isang tsapang tanso at aalis.)
Asalhayop: Asahan po ninyo.
(Titingnan ang salapi.)
Heto ang salapi ko, heto ang tunay na ina kong bayan ang tunay na Bathala. At madaragdagan pa; at matataas pa ang aking katungkulan.
Sayang palad!
Inangbayan: (Walang puri!)
Labas 6
(Sila rin, Tagailog)
Asalhayop: Tagailog, hinahanap kita.
Tagailog: Ako’y gayon din, kita’y aking hinahanap.
Asalhayop: Sasalakayin baga natin si Haringbata?
Tagailog: Oo, bukas. Humanda ka’t ikaw ay kasama.
Asalhayop: Papaan ang paraang gagawin natin?
Tagailog: Ako’y magdadala kunwari ng buwis.
Asalhayop: Mahusay. At saan tayo dadaan?
Tagailog: Sa tabing-dagat ang kalahati, at ang kalahati naman ay sa Diliman. Heto na’t nagdadatingan ang ating mga bayaning kawal, kasama ang mga babaeng tagapagsiyasat ng sugatan.
Labas 7
(Sila rin, Walang Tutol, Masunurin, Korong lalaki at babae. Ang mga lalaki ay pawang sandatahan.)
Walang Tutol: Tagailog, narito na kami.
Tagailog: Hintayin natin ang mga ibang kasama.
Asalhayop: Ako’y kasama ninyo, ngunit ako’y uuwi pa muna sandali.
Tagailog: Hihintayin ka namin dito, at dito tayo magbubuhat sa pagsasalakay kay Haringbata.
Asalhayop: Asahan ninyong ako’y darating. Asahan kung saan kayo mamatay ay doon din ako magpapakamatay. Paalam.
(Anyong aalis.
Koro: Mabuhay si Asalhayop.
Inangbayan: (Kay Asalhayop) Hintay! Tagailog, huwag mong paalisin si Asalhayop.
Asalhayop: Ako?
Inangbayan: Ikaw.
Lahat: At bakit?
Inangbayan: Ako’y may itatanong sa kanya dito sa harapan.
Masunurin: Ano kaya?
Koro: Ano kaya?
Inangbayan: Asalhayop, wala ka bagang taglay na salapi ngayon?
Asalhayop: Wala.
Inangbayan: Dinggin ninyo? Wala raw. At wala ka bagang taglay na kahit anong tanso sa katawan?
Asalhayop: Salupikang mangkukulam! Ano’t itinatanong mo?
Inangbayan: Wala ka bagang taglay na kahit anong tanso sa katawan? Sumagot ka.
Lahat: Sumagot ka.
Asalhayop: Wala. Anhin ko ang tanso?
Inangbayan: Dinggin ninyo? Wala raw siyang taglay na salapi, at wala rin namang taglay na kahit anong tanso.
(Tatawa nang malakas si Inangbayan.)
Asalhayop: Ngitngit ni Bathala! Ano’t nagtatawa ka?
Inangbayan: Dakpin ninyo at ipinagbili tayong lahat kay Haringbata.
Lahat: Oh!
Asalhayop: Ako?
Inangbayan: Ikaw.
Asalhayop: Sinungaling si Inangbayan. Sinasabi kong sinungaling si Inangbayan.
Inangbayan: Mga bunso, siyasatin ninyo ang katawan ni Asalhayop, at may taglay na salapi, at may taglay na tanso.
Tagailog: (Sa Koro) Siyasatin ninyo.
Asalhayop: Hindi ako pasisiyasat.
Tagailog: Dakpin ninyo.
(Tatangan si Asalhayop ng mga sandatahan ng mga babae ang kanyang katawan. Makukunan sa bulsa ng salapi at isang tsapang tanso.)
Masunurin: Tunay nga!
Lahat: Tunay nga!
Tagailog: Ano’t ipinagkaila mo ang iyong taglay?
Asalhayop: Ako’y… sapagkat… datapwat…
(Tatawa nang malakas si Inangbayan.)
Inangbayan: Yayamang hindi niya matutuhang turan ay aakuin ko na siya at ako na ang magsasabi.
Asalhayop: Inangbayan! Mahabag ka!
Tagailog: Sabihin mo, Inangbayan.
Lahat: Sabihin mo.
Asalhayop: Inangbayan!
Inangbayan: Ang salaping iyan ay siyang pinagbilhan ng nilako niyang buhay ng bayan kay Haringbata.
Lahat: Oh!
Inangbayan: At ang tansong iyan ay siyang ilalahad sa mga taliba ng kaaway, upang siya’y papasukin at masiwalat ang ating lahat ng lihim.
Asalhayop: Sumpa ng Apo! Ngitngit ni Mandagaran!
Inangbayan: Pagmasdan ninyo ang tanso at may tatak marahil ni Haringbata.
(Pagmasdan ng lahat ang tanso.)
Masunurin: Tunay nga.
Koro: Tunay nga.
Walang Tutol: Kay Haringbatang tatak.
Tagailog: Asalhayop!
Asalhayop: Patawad!
Inangbayan: Ngayon at inyo nang nakilala kung sino nga si Asalhayop, ay paalam na ako sa inyo.
(Tuloy aalis. Anyong hahabulin ng lahat.)
Lahat: Inangbayan?
Labas 8
(Sila rin, wala lamang si Inangbayan)
Tagailog: (Kay Asalhayop) Oh! Walang pusong kapatid! Walang dangal! Sa mga ugat mo ay tumatakbo ang maruming dugo ni Lakasalian, yaong taksil na nagpagapos ng leeg ng ating kawawang Inangbayan, kay Hangiskang na ama ng suwain na Haringbata.
Pagmasdan ninyo’t kumikiskap sa kaniyang mga mata ang alipato ng kaniyang paglililo.
Bayang Tagalog, tandaan ninyo yaring hatol.
Dapat mahalin ang ating mga kapatid, ang ating mga magulang, ang ating sariling buhay, ngunit lalo pa nating dapat mahalin ang dangal ng ating kahambal-hambal na Inangbayan.
(Sandaling palipas) Kaya nga, ang sino pa mang maglilo sa kanya, kapatid man natin o magulang kaya, ay huwag pagpitaganan; takpan ang mga mata ng awa at idalhag siya sa bangin ng lalong dustang kamatayan, at idagan sa kanyang ulo ang matinding sumpa ng ating pagkakapaalipin.
(Sandaling palipas) Bayang Tagalog, kung sakaling mawalan man tayo ng hiya sa mukha nating bantad, at pabayaan nating makatkat sa ating noo ang limbag ng puri, manang katutubo ng ating mga kaluluwa, ay magkaroon man ng lamang tayong kaunting tapang sa pagkitil ng sariling buhay. Ibuhos natin ang ating dugo, lamurayin natin ang ating laman, iwalat natin ang ating mga buto, huwag na lamang kumalat-kalat sa lansangan ang mabusilak na dangal ng liping Tagalog, huwag na lamang tayo ring ito ang maglublob sa putik ng lagim, ng kagalang-galang na mukhang tumatangis ng ating kahabag-habag na Inangbayan.
(Sandaling palipas) Bayang Tagalog, si Asalhayop ay nagtaksil. Sunugin siyang buhay.
Koro: Patawad!
Tagailog: Bayang Tagalog, kung malaki ang pagmamahal mo kay Asalhayop, ako naman ay lalo pa, ngunit lalo pang malaki ang pagmamahal ko sa ating Inangbayan. Inilako ni Asalhayop si Inangbayan kay Haringbata, kaya dapat siyang mamatay, sapagkat dapat na lipulin ang lahat ng halamang lasong tumubo at umusbong sa lupang Tagalog.
(Sandaling palipas)
Sunugin s’ya ng buhay.
Koro: Patawad!
Tagailog: Bayang Tagalog, bayang pinakamamahal kong lubha, wala sino pa mang makasasalag sa madaling hampas niyaring hatol. Ibig ko pang ako’y mamatay, huwag na lamang ipahutok ang katuwiran. Kya nga, sinumang may nais na humingi ng patawad na naitong suwail, ay patayin na muna ako, saksakin na muna yaring dibdib. Alin sa dalawa: mabuhay ang kataksilan at ako ang mamatay sa kataksilan.
(Sandaling palipas)
Sunugin siyang buhay.
Koro: Patawad!
Koro: Oh! Bayang Tagalog! Bayan ng marangal na liping Tagalog, huwag mong ihingi ng patawad ang nagtaksil sa dakilang dangal ng ating kasulatan.
(Bubunutin ang kanyang sundang.)
At yayamang ayaw ako ilugso ng mga nagtatanggol sa kanya, ako ang maglulugso sa mga sasago’t sasanla sa aking matatag na hatol. Iwawalat ko ang dibdib ng balang kumibo, hahalukayin ko ang puso ng balang magsigaw ng wikang “patawad”.
(Itataas ang kanyang sundang. Mapapaurong ang lahat.)
Tagailog: Hukbong Tagalog, lahi ng katapangan, mga anak sa digma, tulinan ninyo.
Nagpaparam ang ulap ng sakim, sumisilay ang araw ng kalayaan. (Tuloy pasok)
Labas 9
(Masunurin, Korong Babae)
Masunurin: Laban kayo, mga kawal, at bawiin itong bayan.
1.a: Sandali pa’y ating tunay na tagumpay.
Koro: Ang tagumpay.
Masunurin: Nagkaabot ang hukbo at nagkahalubilo.
2.a: Laban kayo, laban kayo, ang kalaba’y…
Koro: Tumatakbo.
Masunurin: Hayo’t abuluyan ang mga sugatan.
Koro: Abuluyan.
Labas 10
(Magalalabasan ang mga kawal na Intsik, karamiha’y sugatan at nangabubuwal.)
Masunurin: Huwag bayaan, ito’y ating katungkulan.
Labas 11
(Sila rin, Haringbata, Inangbayan, mamaya’y si Tagailog. Kaladkad ni Haringbata si Inangbayan.)
Haringbata: Papatayin kita.
Koro: Si Inangbayan.
(Lalabas si Tagailog.)
Tagailog: Haringbata!
(Sabay saksak. Mabubuwal si Haringbata.)
Haringbata: Mamamatay ako!
Koro: Patay si Haringbata!
Labas 12
(Sila rin, kawal na Tagalog)
Tagailog: Ating-ating ang tagumpay. Atin ang ating katuwiran.
Inangbayan: Mabugay si Tagalog.
Koro: Mabuhay!
Tagailog: Mabuhay si Inangbayan!
Koro: Mabuhay!
Inangbayan: Mabuhay ang ating kawal!
Koro: Mabuhay!
Tagailog: Mabuhay ang ating lipi sa lilim ng kalayaan!
Koro: Mabuhay!
Inangbayan: (Tatanaw sa kanan) Sino ang mga dumarating?
Tagailog: Sino kaya?
Koro: Sino kaya?
(Tutugtugin ang Marcha Red Española at lalabas si Dilat na Bulad at Matanglawin)
Labas 13
(Sila rin, Dilat na Bulag, Matanglawin)
Inangbayan: Sino kayo?
Dilat na Bulag: Ako’y si Dilat na Bulag.
Matanglawin: Ako’y si Matanglawin.
Tagailog: Kalaban ba kayo?
Dilat na Bulag: Kami ay kaibigan.
Inangbayan: Ano ang inyong nais?
Matanglawin: Ang kayo’y iligtas sa pagkapanganyaya.
Tagailog: May sakuna baga?
Dilat na Bulag: Mayroon.
Matanglawin: Tanawin ninyo sa dakong kanan ang tila wari nagdidilim na langgam na paparito, at yao’y mga kawal na babaka sa inyong bayan.
Inangbayan: At sino nga sila?
Dilat na Bulag: Mga kapatid din ninyo.
Tagailog: (Sumpa ng langit!)
Koro: Sumpa ng langit!
Matanglawin: Tanawin naman ninyo sa dakong kaliwa ang lalo pang makapal. Babakahin kayo.
Inangbayan: At sino naman ang mga iyon?
Dilat na Bulag: Inyo ring mga kapatid.
Tagailog: Sumpa ni Bathala!
Koro: Sumpa ni Bathala!
Matanglawin: Tanawin ninyo sa dakong yaon ang maraming kawal na mapuputi. Yaon ay aming hukbo. Tanawin ninyo sa dagat ang mga sasakyang pambaka. Ang lahat na iyan ay amin. At kung kayo ay kakapatid sa amin, ang aming ari, ang aming hukbo, ang aming mga sasakyan at ang aming mga puso at kaluluwa, ay iyo ring lahat. Ipagtatanggol namin kayo sa lahat ng ligalig at pagkapaalipin.
Inangbayan: Tapat baga ang inyong pakikipagkapatid sa amin?
Dilat na Bulag: Tapat.
Tagailog: Hindi niyo bibigyang ligalig ang kalayaan ng aming mga anak?
Matanglawin: Hindi.
Inangbayan: Matatalaan ninyo ang gayon?
Dilat na Bulag: Oo.
Inangbayan: Bayang Tagalog, narinig ninyong lahat. Sumagot kayo.
Koro: Kami ay pumapayag.
Matanglawin: (Kay Tagailog) Talaan mo ito.
Tagailog: Ayan. At ikaw?
Matanglawin: Tatalaan ko ito. (Tatala rin sa isang pergamino.) Ayan.
Inangbayan: Ngayon, ang sumpaan.
Dilat na Bulag: Ang sumpaan.
Lahat: Ang sumpaan.
(Isasaksak ni Tagailog at Matanglawin ang kani-kanilang sundang sa bisig sa kaliwa, sasahurin sa isang sarong ginto ni Inangbayan ang dugo ni Tagailog at si Dilat na Bulag naman ang kay Matanglawin.)
Dilat na Bulag: (Kay Tagailog) Inumin mo ito.
Inangbayan: (Kay Matanglawin) Inumin mo ito.
Tagailog: Sa sarong gintong iyong tangan ay nalalamang totoo ang dalisay na dugo ko, dugong tunay ng bayan ko,
Matanglawin: Sa sarong gintong iyong tangan ay tunay na nalalaman yaring duro kong dalisay ng aking bayan.
Lahat: Inumin ninyo.
Dilat na Bulag: (Hahawakan ang kamay ni Inangbayan.)
Ang kamay kong iyong tangan
ay kamay ng aking bayan,
kung di mo pagsisiluhan,
ang dito’y pinagsumpaan,
kamay na ito’y mag-aalay
sa iyo ng biyayang tunay.
Ngunit kung lalapastangan,
kamay na ito ay tatangan
ng sundang na kamandagan,
ang puso mo’y tatarakan.
Inangbayan:
Sa dibdib ko’y masisilip
ang dalisay kong pag-ibig,
ang kaluluwa kong malinis.
ang mga banay kong nais
na sa atin ay bibigkis,
ang puso ta’y nang makatalik.
Ngunit kung magbabalawis
sa ating pagkakapatid,
pag-ibig ko’y magngingitngit
at sa iyo’y siyang tutugis.
Koro: Mabuhay.
Matanglawin: Ang magtaksil ay mamatay.
Koro: Mamatay.
Inangbayan: Ang dugong iya’y maging lunas sa puso ng kung sinumang magtatapat. Datapwat kung magsusukab sa buhay niya’y maging lason at kamandag.
Lahat: Inumin!
(Iinumin ni Tagailog at Matanglawin ang dugo. Mahuhulog na bigla ang tabing.)

0 Mga Komento
Salamat sa pagbisita sa Hibarong Filipino.